Calendar

SM nagsagawa ng pagsasanay para sa 200 magsasaka sa Luzon sa ilalim ng KSK
MATAGUMPAY na nagtapos ang 200 magsasaka mula sa Pampanga at Isabela sa 14-linggong pagsasanay sa makabagong pagsasaka na isinagawa ng SM Foundation sa ilalim ng Kabalikat sa Kabuhayan (KSK) Farming Program.
Kabilang sa mga nagsipagtapos ang 100 magsasaka mula sa Quirino, Isabela at 100 pa mula sa Guagua at Santa Rita, Pampanga. Layunin ng programa na palakasin ang kakayahan at kaalaman ng mga magsasaka upang mapaunlad ang kanilang ani at kabuhayan.
“Give a man a fish, and you feed him for a day. Teach a man to fish, and you feed him for a lifetime,” ito ang naging bungad ni Gloria Cabarios Diampoc, isa sa mga KSK farmer-graduate.
“Ganyan ang ginawa ng SM Foundation—imbis na bigyan lang kami ng pagkain sa isang araw, tinuruan nila kami ng mga makabagong paraan ng pagsasaka sa aming mga gulayan, para masiguro na may pagkain ang aming pamilya araw-araw,” dagdag pa niya.
Ayon sa kanya, naging makabuluhan ang programa dahil natuto sila sa paggamit ng organikong pataba, tamang pamamalakad ng negosyo, marketing, basic financial management, at mga panuntunan sa buhay ni SM Group founder Henry Sy, Sr.
“Naging daan din ito upang kami ay magkaroon ng bagong pananaw sa aming kabuhayan at sa aming sariling kakayahan,” aniya.
“Ito ay nagpapatunay na hindi hadlang ang maliit na espasyo para kami ay makapagtanim, makapag-ani, at makapag benta sa tamang halaga. Ang KSK ay hindi lang basta pagsasanay, kundi isang paglalakbay patungo sa pagbabago—ng sarili, ng pamilya, at ng buong komunidad. Bitbit namin ang bagong pag-asa, kaalaman, at tiwala sa sarili upang magsimula ng panibagong kabuhayan at maging instrumento rin ng pagbabago sa aming lugar,” aniya.
Mula ng inilunsad ito, mahigit 30,000 na ang mga magsasakang nakapagtapos ng KSK. Ilan sa kanila ay naging supplier na sa SM Group, lokal na pamilihan, at sa SM Weekend Market.
Isinagawa ang programa sa tulong ng SM Markets, SM Supermalls, at iba pang social good partners kagaya ng DSWD, DA, DOLE, DOST, DTI, at mga local government units.
Patuloy ang SM Foundation sa adbokasiya nitong iangat ang mga komunidad sa sektor ng agrikultura. Inaasahang magtatapos ang iba pang magsasaka mula na sumailalim sa programa.