Isko2

Task Force FACTS, binuo ni Yorme Isko para harapin ang krisis sa pananalapi

Edd Reyes Jul 2, 2025
381 Views

ISINAILALIM ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa state of financial crisis ang lungsod kasabay ng pagbuo Task Force FACTS o Fiscal, Accountability, Cost Transparency and Spending na tututok sa pagharap sa P10,2 bilyong pagkakautang ng lungsod.

Sa kanyang unang State of the City Address (SOCA), inihayag ni Yorme Isko na “nasa financial ICU na po tayo, ang kapitolyo ng bansa,” kasabay ng pagbubunyag na ang pondong inilaan noong 2024 ay nagkakahalaga ng P25.8 bilyon gayung ang koleksiyon ay nasa P21.234 bilyon na kapos ng P4.65 bilyon.

Ibinunyag ng alkalde na hindi pa nababayaran ang P10.2 bilyon na disbursement vouchers mula Hunyo 5, 2025 kabilang na rito ang ₱2.96 billion para sa supplies, ₱2.25 billion sa pagkukumpuni ng mga imprastraktura, ₱950 million sa dalawang kompanyang kumolekta ng basura, at ₱589 milion para sa pensiyon ng mga senior citizens.

Sinabi ni Yorme Isko na kailangan niyang buuin ang Task Force FACTS na babatay sa numero.

Ilan pa aniya sa kanilang natuklasan ang paglobo ng cash advances, kabilang ang pag-withdraw ng P132 milyon ng isang empleyado sa loob ng isang araw at ang biglang pagdami ng job order employees mula 8,309 ay lumobo ng 9,830 sa panahon lang ng 2025 election.

Tiniyak ng alkalde na pananagutin niya ang mga taong sumalaula sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng publiko bagama’t may mga dapat muna siyang asikasuhin tulad ng krisis sa basura na nagsisilbing banta sa kalusugan, at ang pagpapanatili sa kapayapaan, kaayusan, disiplina, at kapanatagan ng loob sa lungsod.

Isa rin sa mga hakbang na repormang gagawin ng alkalde ang pagbibigay ng utos sa lahat ng mga department heads na tanging ang mga mahahalaga at kinakailangan lamang na pagakagastusan ang irekomenda upang hindi masayang ang salapi ng lokal na pamahalaan.