Jay

Curfew sa Maynila, iniutos ni Yorme Isko; MDSW, pinakilos

Edd Reyes Jul 2, 2025
581 Views

ISA sa mga nilagdaang kautusan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagpapatupad ng curfew sa mga kabataan sa buong Lungsod ng Maynila.

Sa kanyang nilagdaang Executive Order No. 2, nakasaad na mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw ay bawal ng gumala sa lansangan ang mga kabataang may edad na 17 taon, pababa.

Layunin ng kautusan na mailayo, hindi lamang sa panganib sa lansangan ang mga kabataan, kundi makaiwas din sila sa masamang impluwensiya tulad ng pagkalulong sa ilegal na droga, pag-inom ng alak, at paglahok sa mga street gang na kalimitang may kagagawan sa mga riot.

Bilang pagtugon sa ipinatutupad na curfew sa buong lungsod, kaagad inatasan ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Chief Jay Reyes Dela Fuente ang lahat ng District Office ng kanilang tanggapan na buksan ang kanilang mga opisina ng 24 oras.

Sinabi ni Dela Fuente na ang 24/7 na operasyon ng kanilang mga district office ay naglalayong maging kanlungan ng mga mahuhuling menor-de-edad na lalabag sa kautusan at magsisilbi ring processing center bago makuha ng kanilang magulang.

Sa oras aniyang may mahuling lumabag sa kautusan, agad silang dadalhin sa district office ng MDSW kung saan ipapatawag at kakausapin ang kanilang mga magulang upang ipaunawa ang kanilang responsibilidad at ang nasabing batas o ordinansa.

Bukod sa curfew hours, nilagdaan din ni Yorme Isko ang kautusan sa ilalim ng Executive Order No. 1 na nag-aatas sa lahat ng empleyado at opisyal ng lokal na pamahalaan na dapat ay maging modelo ng kagandahang asal, ang Executive No. 3 na nag-aatas sa lahat ng barangay officials sa lungsod na pangunahan ang oagsasagawa ng de-clogging ng mga kanal, estero at paglilinis ng kanilang nasasakupang lugar simula Hulyo 5, 2025 tuwing araw ng Sabado, ang Executive No. 4 na naghihigpit sa pagpapatupad ng Motor Vehicle Modified Muffler Noise Regulation, at ang Executive No. 5 na nag-aatas sa lahat ng telephone companies at iba pang cable providers na isaayos ang mga patay na linya o mas kilala na “spaghetti wires” sa buong lungsod ng Maynila.