Isko1

Plano para sa 10 taon inilatag ni Yorme Isko na tutupad sa pangakong Make Manila Great Again

Edd Reyes Jul 2, 2025
640 Views

INILATAG ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga plano ng pag-unlad sa loob ng 10 taon na magdadala sa pagiging “Dakilang muli ng Maynila” sa kanyang unang State of the City Address.

Bagama’t nakikipagbuno pa sa malalang krisis sa basura, hindi ito magiging hadlang kay Domagoso para ilatag ang kanyang mga plano sa harap ng napakaraming dumalo at nanood sa kanyang talumpati na ginanap sa session hall ng Sangguniang Panlungsod.

“Hindi lang po slogan ang Make Manila Great Again, isa po itong pangarap at platform of government,” sabi ng alkalde.

Kabilang sa kanyang mga inilahad ang mga proyektong pang-imprastraktura, pang-kalikasan, proyektong pahabay, master plan ng mga daluyan ng tubig sa Maynila, pagsasailalim sa lupa ng mga kable ng kuryente, telepono at iba pa, at ang Transit-Oriented Development Scheme na layuning maging moderno ang paggalaw at katatagan sa lungsod.

Ilan sa kanyang mga bibigyang prayoridad ang pagtatayo ng 15-palapag na Binondominium-2, pagtatayo ng state-of-the art PLM medical campus sa lumang Ospital ng Maynila, at paglalagay ng Smart TV sa bawa’t silid-aralan upang maging digitalize ang pag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

Sa kabila aniya ng kakapusan ng pananalapi, sinabi ng alkalde sa mga mamamayan na dala niya ang paninindigang pulitikal at disiplina upang tiyaking maibibigay nila ang mga pangunahing serbisyong kinakailangan. “These are doable. These are immediate. Kahit kapos tayo ng pananalapi, kakayanin natin ito,” dagdag pa niya.