Martin1

Acidre: Walang totoong hamon sa Speakership ni Romualdez

327 Views

PARA sa maraming miyembro ng Kamara, tila tapos na ang laban sa speakership para sa nalalapit na ika-20 Kongreso, at wala umanong seryosong hamon sa muling pagtakbo ni muling nahalal na Kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte na si Martin G. Romualdez bilang Speaker.

“Ayusin na lang natin, matagal nang tapos ang usapin ng Speakership,” ayon kay muling nahalal na Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, na binanggit ang malawak na suporta ni Romualdez mula sa mga bagong miyembro ng Kongreso.

Ayon kay Acidre, 283 miyembro ng ika-20 Kongreso ang lumagda na sa isang kasulatang sumusuporta sa muling pag-upo ni Romualdez bilang Speaker, at kabuuang 287 na ang nagpahayag ng suporta para sa kanya.

“Sa tingin ko, hindi na ito isang isyung kailangang pagtalunan pa,” aniya.

Inaasahang pormal na ihahalal ng Kamara ang mga bagong lider nito sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso sa Hulyo 28.

Nagsilbi si Rep. Romualdez bilang Speaker ng Kamara noong ika-19 na Kongreso, kung saan pinangunahan niya ang pagpasa ng mahahalagang batas at ang pagtalakay sa pambansang badyet.

Kinikilala rin siya sa pagtutugma ng mga prayoridad ng Kamara sa mga layunin ng administrasyong Marcos.

Inaasahan ng kanyang mga kaalyado na ipagpapatuloy niya ang ganitong uri ng pamumuno sa bagong Kongreso.

Nang diretsahang tanungin kung mayroong “naghahamon” sa liderato ng Kamara, sagot ni Acidre,

“Sa totoo lang, hindi ko na nga naiisip ang tungkol sa Speakership.”

Paliwanag niya, dahil malinaw na ang bilang ay pabor kay Romualdez, malabong magkaroon ng anumang “drama” sa umaga ng Hulyo 28.

Itinuturing ng marami na ang maagang pagkonsolida ng suporta ay isang positibong senyales para sa katatagan ng lehislatibong adyenda ng administrasyong Marcos.

Binigyang-diin ni Acidre na ang pokus ngayon ay ang unang regular na sesyon, na kinabibilangan ng mga prayoridad na batas tulad ng pambansang badyet, mga panukalang reporma sa ekonomiya, at mga gawaing pang-oversight.

“Buo pa rin ang suporta namin kay Congressman Martin Romualdez bilang susunod na Speaker ng Kamara,” saad ni Acidre.