LPA

LPA maaaring maging tropical depression, binabantayan

288 Views

BINABANTAYAN ng state weather bureau ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na umano’y may mataas na potensyal na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), bandang alas 2 ng hapon nitong Miyerkules (July 2), namataan ang LPA sa layong 165 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Dahil sa lapit umano ng LPA sa land mass, posible ang pagtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal #1 sa kahabaan ng eastern sections ng Northern at Central Luzon sa sandaling ito ay maging Tropical Depression.

Samantala, ang isa pang tropical depression na na-monitor sa labas ng PAR ay namataan sa layong 2,615 kilometro silangan hilagang-silangan ng Itbayat Batanes.

Taglay nito ang hangin na 55 kilometro bawat oras at pagbugsong 70 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kph.

Nauna nang sinabi ng PAGASA na dalawa o tatlong bagyo ang maaaring mabuo sa loob ng PAR ngayong Hulyo.

Ang mga bagyong ito ay may pagkakataong mag-landfall sa Visayas o Central Luzon o dumaan malapit sa Batanes.