Calendar
Paggamit ng bisikleta itinutulak ng DOTr, Grab
NAMIGAY ang Department of Transportation (DOTr) at Grab Philippines ng bisikleta at kagamitan sa 20 benepisyaryo nitong Huwebes, bilang bahagi ng inisyatibo ng ahensya na hikayatin ang paggamit ng bisikleta bilang anyo ng aktibong transportasyon.
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bibigyang-prayoridad ng pamahalaan ang aktibong transportasyon—tulad ng pagbibisikleta at paglalakad—sa pamamagitan ng pagtatakda nito bilang pinakamataas sa hierarchy of road users, kasabay ng pagtatayo ng mga pasilidad tulad ng ligtas na lakaran at maayos na bike lanes para maisulong ang mas malusog at mas sustainable na uri ng paglalakbay.
Ang mga benepisyaryo ay tumanggap ng pedal-assist bicycles at helmet na donasyon ng Grab Philippines para sa Active Transport Project Management Office ng DOTr.
Napili ang mga benepisyaryo sa ilalim ng Ride to Thrive: Bike Giveaway for Mobility campaign, kung saan ang mga nominado ay inirekomenda mismo ng kanilang kapwa miyembro sa cycling community bilang karapat-dapat na tumanggap ng tulong.
“Ang road safety po, hindi ‘yan obligasyon lamang ng gobyerno, hindi ‘yan obligasyon ng civil society groups, ito ay obligasyong nating lahat,”pahayag ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Atty. Mark Steven C. Pastor.
“Kami po ay patuloy na gagawa ng mga proyektong katulad nito upang lalo pang mapalakas at mapasigla ang ating mga siklista at kami po ay nangangako na magbibigay ng imprastraktura at proteksyon sa bawat Pilipinong nagbibisikleta,” dagdag pa ni Usec. Pastor.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, pinatitibay ng DOTr ang pangako nito sa adbokasiya para sa kaligtasan sa kalsada at sa pagpapalawak ng kamalayan ng publiko hinggil sa pangangalaga sa mga vulnerable road users.

