JV

Sen. JV nakatuon sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, infra, kabuhayan, pampublikong kapakanan

IPINAHAYAG ni Senador Joseph Victor JV Ejercito ang kanyang sampung pangunahing panukalang batas para sa Ika-20 Kongreso, na nakatuon sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, imprastraktura, kabuhayan, at pampublikong kapakanan.

Kabilang dito ang karagdagang pondo para sa PhilHealth sa 2025 at pag-amyenda sa Universal Health Care Act upang mapababa ang premium contributions. Ipinanukala rin ang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act para mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyektong imprastraktura sa buong bansa.

Para sa mga manggagawa at komunidad, isinusulong niya ang Magna Carta of Barangay Health Workers, ang P250 Daily Minimum Wage Increase Act, at ang Security of Tenure Act (Anti-ENDO) bilang tugon sa mga isyu sa sahod at job security.

Layunin din ng senador na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pamamagitan ng panukalang suspensyon ng excise tax sa gasolina at diesel. Para sa sektor ng agrikultura at transportasyon, kasama sa kanyang adyenda ang Agri-Food Terminal and Trading Centers Act, Commuters’ Rights and Welfare Act, at Motorcycle Taxi Act upang tiyaking ligtas, epektibo, at abot-kayang serbisyo sa publiko.

“Simula pa lang ‘yan, mga ka-Good Ones! Asahan po ninyo na pagsisikapan nating isulong ang mga batas na tunay na makakatulong sa pagpapabuti ng estado ng buhay ng ating mga kababayan,” ani Ejercito.

Sa kabuuan, ang mga panukalang ito ay nagpapakita ng seryosong pagtutok ng senador sa mga mahahalagang isyu ng bansa sa simula ng bagong Kongreso.