Calendar
MMDA pinag-aaralan AI para sa traffic system
BILANG pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ba gamitin ang makabagong teknolohiya upang mapagbuti ang serbisyo publiko, inaaral na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paggamit ng artificial intelligence (AI) para matukoy kaagad ang daloy ng trapiko matapos ipalit ang adaptive signaling system sa countdown timer.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, nais nilang gamitin ang makabagong paraan sa pagtukoy sa daloy ng trapiko mula sa ground loop detector patungong video detector.
“Hopefully, by next year, this innovation will be put into place,” dagdag pa ni Atty. Artes.
Ayon naman sa MMDA Traffic Engineering Center (TED), ang traffic signal system na may video detector ay malayong masira sa pagsasagawa ng pagkukumpuni sa mga lansangan, sa hindi magandang lagay ng panahon, at kahit na may magtatangkang makialam.
Sa pamamagitan ng paggamit ng AI, makakakuha kaagad sila ng impormasyon sa mga behikulo kahit gaano pa ito kabilis, kung saang direksiyon at plaka ng sasakyan.
Iprinisinta pa ni Artes sa mamamahayag ang kuha ng video sa hindi pagkakatugma ng traffic signal countdown timers na dahilan para magkumahog ang mga driver na habulin ang pagpapalit na dahilan ng malimit na aksidente.
Nauna ng inianunsiyo ng MMDA noong nakaraang linggo na inalis na nila ang countdown timers sa 96 na traffic lights sa mga malalaking panulukan sa Metro Manila at ipinalit ang adaptive signaling system na gumagamit ng sensor upang magpalit kaagad kapag wala ng sasakyang dumadaan.

