LRT

Sistema ng student discount sa LRT, MRT hiniling

NANAWAGAN si Senador Raffy Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) na magtatag ng hiwalay na mga booth o linya para sa mga estudyante sa mga istasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT), kasunod ng mga reklamong natanggap hinggil sa mabagal at magulong proseso ng pagpapatupad ng student fare discount.

Mula nang ipatupad noong Hunyo ang 50% diskwento sa pasahe para sa mga estudyante, sunod-sunod ang natanggap ni Tulfo—chairman ng Senate Committee on Public Services—na mga ulat ng pagkaantala at aberya sa mga istasyon. Dahil dito, ipinadala niya noong Hulyo 2 ang kanyang team upang mag-ikot at kumuha ng direktang feedback mula sa mga student commuters.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, kailangang magpakita ang estudyante ng printed enrollment record kung hindi updated ang kanilang ID. Kailangan din nilang pumirma sa isang form na may detalye ng kanilang pangalan, paaralan, ID number, lagda, at destinasyon. Ayon sa mga estudyante, nakakapagpatagal ito lalo na sa rush hour, kaya nagdudulot ng mahabang pila at pagkaabala sa iba pang pasahero.

Iminungkahi rin ng mga estudyante na palawakin ang diskwento upang masaklaw ang stored-value beep cards. Gayunpaman, natuklasan ng team ni Tulfo na mabilis maubos ang supply ng beep cards sa hapon dahil sa mataas na demand.

Bilang tugon, iminungkahi ni Tulfo na magkaroon ng eksklusibong ticketing booths para sa mga estudyante, na hiwalay sa nakalaan para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at iba pang pasahero. Hinikayat din niya ang DOTr na gumamit ng digital na solusyon upang alisin na ang mano-manong pagpuno ng form at mapabilis ang proseso ng beripikasyon.

Binigyang-diin pa ni Tulfo ang pangangailangan ng mas maraming beep card sa merkado. Aniya, kailangang palakasin ng mga provider ang produksyon at tiyakin ang sapat na suplay sa mga convenience store at iba pang bilihan sa buong bansa.

“The goal of the student fare discount is to make transportation more accessible to learners—not to create new obstacles for them or for other commuters,” pahayag ni Tulfo.