Holdap

Holdaper natiklo sa Pasay

Edd Reyes Jul 8, 2025
404 Views

TIMBOG sa mga pulis ang isa sa umano’y dalawang holdaper na nangholdap sa pampasaherong jeep sa Pasay City noong Martes.

Natunton ng mga tauhan ng Sub-Station-8 ng Pasay police ang suspek na si alyas Florentino, 25, sa NAIA Road matapos i-report ng biktimang si alyas Jerry, 22, ang ginawang panghoholdap sa kanya ng mga suspek sa MIA Road, Brgy. 192 dakong alas-2:30 ng madaling araw.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGen. Randy Arceo, tinutukan ng patalim ng suspek ang biktima at pwersahang hinablot ng kasabwat nito ang kanyang cellphone bago tumakas patungong NAIA Road.

Hindi nabawi ng mga pulis sa suspek ang cellphone ng biktima nang madakip dakong alas-3:40 ng madaling araw pero nakuha sa kanya ang ginamit na patalim sa panghoholdap

Una’y itinatanggi pa ng suspek ang panghoholdap pero kalaunan umanin din at sinabing ang natangay nilang cellphone ay nasa kanyang kasabuwat na si alyas Manok.