Calendar
Telcos dapat magpaalam muna sa Meralco bago maglatag ng kable- Yorme
NAGLABAS ng bagong panuntunan si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno’ Domagoso na mag-aatas sa lahat ng telecommunications at utility firms na kumuha rin ng pahintulot sa Meralco bago maglatag ng kanilang kable sa mga poste sa lahat ng lugar sa lungsod.
Inilabas ni Yorme Isko ang bagong panuntunan na puputol sa dating gawain na sa lokal na pamahalaan lamang kumukuha ng permiso ang naglalagay ng kawad habang nagsasagawa ang Meralco ng anti-urban blight campaign.
“All those telcos or any other services na gagamitin ang Meralco, hindi na po kayo pupwedeng magkabit. Simula last week, sinabi ko na ito kina Engr. Andres at Engr. Randy,” sabi ng alkalde.
“Ngayon, ni-reverse kasi they know better than us. They understand very well kung ano lang dapat ang nakasampay dyan. Ang ginawa ko, as a matter of policy, it is now Meralco who will say yes or no kung kayo ay makakapaglatag sa poste ng Meralco. If it is feasible, I don’t think Meralco will deny your request. If it is not, then we will heed and follow the direction of Meralco,” dagdag pa ni Yorme.
Ang hakbang ay kasunod ng implementasyon ng inilabas na Executive Order No. 5 ng alkalde na magbabaklas ng mga “spaghetti wires” ng mga telecomunicatios at cable TV na kompanya na may mga linya ng operasyon sa Maynila.
“The least we can do is to be grateful to Meralco na at least may nakikinig sa amin at may tumutugon sa panawagan at request ng taumbayan. Kahit papaano, may 2 million kilos of unnecessary and unutilized, unusable wires,” sabi pa ni Yorme Isko.
“Kapag nagtulong-tulong talaga ang private sector at gobyerno, inch by inch, meters by meters and before we know it, we’ve achieved several miles of making the city of Manila pleasant,” dagdag pa niya.
Tiniyak naman ni Meralco Vice President at Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga na suportado at kaisa sila sa hakbang ng alkalde na aniya ay madali nilang maisasakatuparan dahil kakampi na nila ang City Hall.
“Malaking bagay kapag kakampi mo ang city hall kaya todo-todo na itong pagkilos natin. Hindi natin titigilan ito hangga’t hindi natatanggal ang kahuli-hulihang sakit sa mata na spaghetti wire,” pagtiyak ni Zaldarriaga.

