Calendar
MDSW sinorpresa ng bisita ng MYRC
BILANG bahagi ng ipinaiiral na walang tulugang gobyerno ni Mayor Isko Moreno Domagoso, sorpresang nagsagawa ng inspeksiyon ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa Manila Youth Recreation Center (MYRC) sa Arroceros St. Biyernes ng gabi.
Pinangunahan ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente ang pag-iinspeksiyon na layuning matiyak na hindi nagpapabaya ang mga nakatalaga ritong mga kawani sa paglilinis at pagsasaayo ng buong pasilidad lalu na’t nagsisilbi itong kanlungan ng mga batang lansangan at mga kabataang naliligaw ng landas o yung mga Children in Conflict with the Law (CICL).
Sinabi ni Dela Fuente na mahigpit ang direktiba na Mayor Isko na dapat ay maaliwalas ang nakikitang kapaligiran ng mga batang palaboy at CICL dahil isa itong paraan upang magising ang kanilang murang kaisipan na ang katapat ng kalinisan ay isang daan para sa paggawa ng kabutihan.
Sinabi rin ng Direktor ng MDSW na magtutuloy-tuloy ang kanilang pag-iinspeksiyon sa iba pang mga tanggapan na nasa ilalim ng kanyang pamamahala ng walang katiyakan oras, maski na sa dis-oras ng gabi o madaling araw.
Nauna rito, nagsagawa ng pagpupulong ang Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD NCR) at ng MDSW na layong maipaliwanag kay Director Dela Fuente ang matagal ng partnership ng dalawang ahensiya.upang maipahatid ang mga mahahalagang programa at serbisyo sa mga Manileño.
Kabilang sa mga pangunahing paksang tinalakay ay ang pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps); Walang Gutom Program; Pamilya sa Bagong Pilipinas; Technical Assistance and Resource Augmentation (TARA); at pagpaplano ng DSWD.
Muling pinagtibay ng MDSW at DSWD NCR ang kanilang ibinahaging pangako sa pagpapabuti ng buhay ng mga mahihirap na pamilya at pagsusulong ng inklusibong panlipunang pag-unlad sa Lungsod ng Maynila.

