Yorme Kanya-kanya diskarte ang mga estudyante ng Epifanio Delos Santos Elementary School sa Singalong St., Malvar, Ermita matapos suspendihin ni Mayor isko ang klase noong Lunes. Kuha ni JONJON C. REYES

Martes na klase sinuspinde na ni Yorme Isko dahil sa ulan

334 Views

IDINEKLARA na ni Manila Mayor Isko Moreno ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa araw ng Martes, Hulyo 22, bunga ng masamang panahong dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Crising.

Pinayuhan naman ng alkalde ang mga kawani ng Manila City Hall na mag-antabay sa anunsiyo kung may pasok sa trabaho o wala at pinaalalahanan ang mga residente ng lungsod na maging alerto at tiyaking may sapat na malinis na inuming tubig at pagkain, fully charge ang cellular phone, dahil posibleng lumakas pa ang hangin at buhos ng ulan.

Inatasan din ni Yorme Isko ang mga opisyal na barangay na maging mapagmatyag at laging handa sa pagtugon sa anumang pangangailangan ng kanilang nasasakupan, pati na sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan dahil posibleng samantalahin ng mga masasamang loob ang sitwasyon upang gumawa ng masama.

Sa kanyang isinagawang Yorme’s Hour Emergency Announcement, inilahad din ng alkalde ang mga pagbaha sa maraming lansangan sa Maynila at pinayuhan ang mga motoristang umiwas sa mga binahang lansangan tulad ng kahabaan ng Taft Avenue, Nakpil, UN Avenue dahil kanila itong isasara sa daloy ng trapiko upang buksan ang mga manhole para alisin ang mga bara.

‘Kami po ay nagpulong-pulong –once and for all, calling all resources of the national and the local government through the leadership of Regional Director ng DPWH in the north and south of Manila , their equipment and logistics, and in the case of the City of Manila –our engineering office, DPS and Manila Traffic Bureau will conduct massive drainage check-up and clean-up if needed” , pahayag ng alkalde.

Klase sa Manila sinuspinde

Dahil sa walang tigil na ulan, sinuspinde ni Mayor Isko ang klase sa buong lungsod bandang alas-12:00 ng tanghali nitong Lunes.

Kasabay nito, ipinahayag ng Malacanang ang suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at klase sa lahat ng antas sa Metro Manila, Cavite, Rizal, Batangas, Laguna, Bulacan, Pampanga, Zambales at Bataan epektibo ng ala-1:00 ng hapon nitong Hulyo 21.

Ang mga ahensya na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng pangkalusugan, pagtugon sa sakuna at iba pang mahahalagang serbisyo ay tuloy sa kanilang operasyon.

Ang mga pribadong kumpanya ay pinayagang magdesisyon kung sususpindihin ang kanilang operasyon.