Chinese Inihatid ng mga pulis si Wang Dan Yu alyas Bao Long sa sasakyan sa PNP national headquarters sa Camp Crame noong Lunes. Ang suspek, na wanted sa pagpatay sa kanyang kababayan noong 2024, ay naaresto sa Bongao, Tawi-Tawi, ayon kay PNP Chief General Nicolas D. Torre III.

Tsino na wanted sa pagdedo sa kapwa Tsino, arestado

Alfred Dalizon Jul 21, 2025
270 Views

NAHULI ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) habang sinusubukang bumalik sa bansa sa pamamagitan ng backdoor entrance sa Tawi-Tawi noong Sabado ang Chinese national na tumakas sa bansa matapos barilin at mapatay ang kapwa niya Tsino sa restaurant sa Makati City noong Oktubre 17, 2024, ayon kay PNP chief General Nicolas D. Torre III kahapon.

Nahuli si Wang Dan Yu alyas “Bao Long” habang sakay ng speedboat malapit sa karagatan ng Brgy. Nalil, Bongao, Tawi-Tawi bandang alas-12:30 ng madaling araw.

Ayon pa sa PNP chief, ang pagkakaaresto sa banyagang suspek ay bunga ng kanilang Special Intelligence Project ‘Long Extract.’

Ang operasyon ay isinagawa sa pagtutulungan ng Batangas Police Provincial Office, National Security Council, Philippine Center for Transnational Crime, Tawi-Tawi Provincial Police Office at ng mga Municipal Police Station ng Bongao at Sitangkai.

Sinabi pa ni Gen. Torre na iniimbestigahan din si Wang kaugnay ng pagdukot sa isang Chinese acupuncturist sa San Nicolas, Binondo, Manila noong Agosto 20, 2022.

Pinalaya umano ang biktima sa isang lugar sa Metro Manila matapos magbayad ng hindi tinukoy na halaga ang kanyang pamilya sa mga dumukot.

Isang kaso ng kidnapping-for-ransom ang isinampa laban sa suspek noong 2022, ngunit ibinasura ito ng korte dahil sa kabiguang dumalo ng akusado at kanyang pamilya sa mga pagdinig.

“Maaaring nakaligtas siya sa kaso ng kidnapping noon, pero ngayon ay hawak na natin siya para sa kasong murder na walang piyansa,” dagdag pa ng hepe ng PNP.

Kinilala si Wang bilang gunman na bumaril at pumatay sa kapwa Chinese national na si Liu Jiabin sa loob ng isang restaurant sa Makati City noong Oktubre 2024.

Nakuhanan ng CCTV ang aktwal na insidente ng pamamaril at agad itong nag-viral sa social media.

Matapos ang insidente, nag-alok ng P2 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kinaroroonan ng suspek.

Dagdag pa ni Gen. Torre, panahon na upang maunawaan ng mga banyagang kriminal na hindi na ligtas ang southern backdoor para sa kanila.

“Dati, ginagamit ito ng mga high-profile fugitives sa pagtakas noong nakaraang administrasyon, pero ngayon ay namo-monitor na namin sila at nahuhuli na,” pagtatapos ni Gen. Torre.