Calendar
DA pinapatapon mahigit 500 metriko ng misdeclared, smuggled na gulay
MAHIGIT 500 metriko tonelada ng misdeclared at smuggled ng mga gulay ang ipinapatapon ng Department of Agriculture (DA).
Karamihan mga dilaw at pulang sibuyas at maliit na bahagi ng carrots ang mga produkto na nakumpiska ng Bureau of Customas (BOC) sa Port of Manila at Subic sa pakikipagtulungan nila sa Inspectorate and Enforcement Office ng DA, Bureau of Plant and Industry (BPI).
Bagamat nakapasa sa food safety tests, inirekomenda ng BPI na itapon ang mga ito dahil nangabulok na.
Dumating ang 17 containers na tinayang nagkakahalaga ng P66 million sa mga pantalan ng Pilipinas at idineklarang ibang mga produkto.
Mula sa 13 vans na nasabat sa Subic, 12 sa mga ito ay naglalaman ng dilaw at pulang sibuyas, habang ang isang van ay carrots.
Samantala, puno lahat ng sibuyas ang apat na container vans mula sa Port of Manila.
Mula sa China ang kargamento at ang misdeklarasyon ay nagpalakas sa pagdududa ng illegal na aktibidad at pagdami ng agricultural smuggling sa bansa.
Sinabi ng DA na batay sa pagsusuri ng BPI, hindi nagtataglay ng E.coli at Salmonella , pesticide residues o heavy metal ang mga sibuyas at carrots.
Gayunman, lumitaw ang malaking pagkasira sa ginawang organoleptic assessmenm
“Ang mga sibuyas at carrots ay nakitaan na ng pag-usbong, pagkabulok at mabahong amoy na indikasyon ng paglabulok.” ani BPI Director Glenn Panganiban sa ginawang hiwalay na pagsusuri.
Bilang resulta, hindi na ligtas para kainin ang mga ito sa kabila na nakapasa sa safety standardsm
Binigyang diin ng DA ang kahalagahan ng pampublikong kalusugan sa desisyon ng ahensiya na itapon ang mga smuggled na mga gulay.
“Ang ating prayoridad ay masigurong nagsusulong sa kaligtasan ng publiko at ligtas na pagkain ang mga produktong agrikultura. Ang mga imported na produkto, lalo na ang mga pampuno sa lokal na produksiyon ay kailangang nakakatugon sa safety standards at ligtas para kainin,” anang DA Sec. Francisco Tiu Laurel.
Naaayon ang hakbang ng DA sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang mga mamimili at mapanatili ang food safety standards kasabay ang pagtugis at paglansag sa mga smuggler ng produktong agrikultura upang protektahan ang kabuhayan ng mga lokal na producer, magsasaka at mga mangingisda.
Sa Subic, anim mula sa 13 container vans na kargado ng sibuyas ay idineklarang chicken lollipop, habang ang ibang shipments ay pinalitaw na smoked frankfurters o chicken sausage. Ganito rin ang ginawa ng Luxemar Wet and Dry Goods Trading , idineklara ang kanilang containers na puno ng sibuyas bilang smoked frankfurters.
Ang mga importer na sangkot , kabilang na ang Beaches Consumer Goods Trading, EPCB Consumer Goods Trading, at iba pa ay nahaharap sa matinding parusa dahil sa paglabag sa batas sa importasyon at food safety.
” Ang mga kumpanyang ito ay madadagdag sa dumadaming talaan ng importers na nasa blacklist ng DA. Batay sa malaking halaga ng mga kargamento, ilan sa mga importer na ito ay maaring maharap sa legal na aksiyon sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act,” babala ni Tiu Laurel.
Sinusuri na rin ang dalawang container vans na binuksan kamakailan na idineklarang chicken poppers subalit ang totoong laman ay pecking ducks at pitso ng manok. Naka-consign ang mga container sa 1024 Consumer Goods Trading, at sinuri ng Bureau of Animal Industry.
Ang determinadong aksiyon ng DA ay sumasalamin sa zero-tolerance policy sa agrcultural smuggling at binigyang-diin ang pangangailangan para sa mas mahigpit na mga hakbang upang maprotektahan kapwa ang mga lokal na magsasakang Pilipino mula sa nakakapinsala at hindi tamang tatak ng produkto.
Dahil sa tumataas na volume ng smuggled agricultural goods na pumapasok sa Pilipinas, ang crackdown ay magsilbing paalala na ang gobyerno ay hindi mangingiming ipatupad ang batas at bantayan ang kalusugan ng publiko.

