Calendar
Pangangalaga sa kalusugan ng Manileno unti-unting naibabalik ni Yorme Isko, VM Chi
UNTI-UNTI ng naibabalik nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza ang normal na pagkakaloob ng pangangalaga sa kalusugan ng mga Manilenyo sa loob lamang ng halos tatlong linggong panunungkulan.
Kabilang ang kalusugan ng mamamayan sa mga binitiwang pangako ng alkalde at bise alkalde kaya’t ganoon na lamang ang kanilang panlulumo nang wala na silang dinatnang gamot, medical supplies, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga pasyente sa anim na pampublikong pagamutan at sa mahigit 40-health centers sa lungsod.
Matapos naman itong ibulgar ng alkalde, kaagad bumuhos ang donasyon mula sa iba’t-ibang pribadong sektor at indibiduwal, kabilang ang ipinagkaloob ng Alvez Commercial Inc. na assorted medical supplies na nagkakahalaga ng P5.2 milyong piso na ipinamahagi sa anim na pampublikong ospital na pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan at maging sa mga health centers.
Noong Hulyo 14, nagkaloob naman ang Powerhouse Inc., JLY Company, Ezra Dental, at maging ang Colgate Palmolive Philippines ng mga dental supplies tulad ng dental chairs, dental compressor, dental surgical forceps, ultrasound scaler at marami pang iba na kinakailangang gamit para sa Dental Department ng Baseco Hospital.
Makaraang matanggap ang donasyon, binisita at ininspeksiyon kaagad ni Yorme Isko ang Pres. Corazon C Aquino Hospital o Baseco Hospital sa Baseco Compound, kasama si Manila Health Department (MHD) Officer-in-Charge Dr Grace Padilla, upang tiyaking matutupad ang kanyang ipinangako na pabubuksan niya ito sa publiko sa buwan ng Disyembre.
Nito lang magkasunod na araw ng Huwebes at Biyernes, tumanggap na muli ang alkalde ng donasyon mula sa mag-asawang overseas Filipino workers (OFW) ng medical supplies para sa emergency rooms, pati na rin ng 12,000 Bioderm hand soap ng Bioderm na ipamamahagi sa mga health centers at ospital.
Tiniyak din ni Mayor Isko Moreno na magkakaloob na rin ng libreng bakuna laban sa rabies ang Ospital ng Maynila, Sta Ana Hospital at mga Animal Bite Centers sa anim na distrito ng lungsod.
“Kung may alam po kayo na nakagat, nakalmot, ng aso o pusa, kaagad ninyo silang pabakunahan sa pinakamalapit sa inyong health center dahil mayroon na po tayong libreng bakuna,” pahayag ng alkalde.

