Garcia Nagsasagawa ng follow-up operation ang Manila Police District-Homicide sa pamumuno ni Police Major Dave Garcia kaugnay sa pamamaslang sa ginang na binaril sa mukha sa Sampaloc, Manila.

Ginang binaril sa mukha sa loob ng bahay, patay

Jon-jon Reyes Jul 22, 2025
495 Views

PATAY ang isang 46-anyos na ginang matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay 421, Sampaloc, Manila, madaling araw ng Lunes.

Nakilala ang biktima na si alyas “Eden” na may asawa, walang trabaho at residente sa nasabing lugar.

Ayon kay Police Major Dave Garcia, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), bandang 1:30 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa biktima.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na nasa 30 hanggang 35 taong gulang, katamtaman ang pangangatawan, may fair complexion, at nakasuot ng pawang itim na t-shirt, short pants, tsinelas at ball cap at may dala pang itim na sling bag.

Sa inisyal na imbestigasyon, batay sa salaysay ng mga saksi, bago ang nasabing insidente ay lumalabas na kausap ng biktima ang kanyang hipag na si “Maricar” sa cellular phone nang biglang may kumatok at tumawag sa biktima.

Sinabi ni Maricar sa probers na tinapos ng biktima ang kanilang usapan bandang 12:24 ng madaling araw at sinabi ng biktima na aasikasuhin niya ang taong kumakatok sa kanyang bahay.

Ang nasabing oras ay kasabay ng time stamp ng footage na nakunan ng CCTV camera na naka-install sa bintana sa harap ng bahay ng biktima.

Ang CCTV footage ay ipinakita sa mga imbestigador ng anak ng biktima na si alyas “Denxel,” na sinabing hindi niya kilala ang suspek.

Ang suspek ay pumasok sa garahe ng bahay, biglang bumunot ng baril at pinaputukan ng isang beses sa mukha ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sampaloc Police Station 4 sa pangunguna ni P/Lt. Col. Joven P. Gerong at nagsagawa ng inisyal na imbestigasyon at pag-secure sa pinangyarihan ng krimen, kasama ang mga Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng MPD Forensic Unit (FU).

Ang bangkay ng biktima ay dinala sa Archangel Funeral Homes para sa autopsy at safekeeping.

Narekober sa sahig ng garahe ang isang fired cartridge case ng hindi pa malamang kalibre ng baril. Ang nasabing ebidensiya ay maayos na na-recover at na-tag ng mga operatiba ng SOCO at ibinalik sa MPD-FU para sa ballistics examination.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang masinsinang follow-up operation sa pangunguna ni Garcia para matukoy ang pagkakakilanlan at madakip ang tumakas na suspek.