Mackerel

DA sa BOC: Mackerel na hinarang ligtas, i-turn over samin

Cory Martinez Jul 21, 2025
319 Views

HIHILINGIN ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Bureau of Customs (BOC) na i-turnover ang dalawang container vans ng smuggled frozen mackerel na nasabat sa Port of Manila dahil ligtas itong kainin.

Batay sa resulta ng pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), pumasa sa microbiological safety standards na itinakda ng Pilipinas at international food regulations ang lahat ng sample mula sa nakumpiskang mackerel.

Nasa acceptable limit ang presensiya ng Escherichia coli, Staphylococcus at aerobic plate counts ng sinuring samples ng mackerel.

“Kaya naman, ang samples na natanggap, ay ligtas kainin ng tao batay sa pamantayan ng pagsusuri,” ayon sa BFAR.

Kargado ng tinatayang 50 metric tons ng frozen mackerel at nagkakahalaga sa pagitan ng P13 million at P20 million ang dalawang containers na kasalukuyang pinipigil sa Port of Manila.

Sapat ang volume ng mackerel upang bigyan ng tig-isang kilo ang 50,000 pamilya.

Kabilang ang shipment sa anim na containers na hinarang ng DA Inspectorate and Enforcement Service (IES) at Bureau of Plant Industry (BPI).

Naglalamam ang tatlong iba pang containers ng 74 metriko tonelada ng pulang sibuyas habang kargado ng dilaw na sibuyas ang isang van.

Hinihintay pa ng BPI ang resulta ng pagsusuri upang madetermina kung nagtataglay ng hindi ligtas na antas ng bacteria, heavy metals o pestisidyo ang mga nasabat na sibuyas.

Samantala, marami pang pagsusuri ang nagpapatuloy sa container vans ng frozen mackerel, sibuyas at carrots na nasabat naman sa Port of Subic.

Sinabi ni Tiu Laurel na patuloy na binibigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan na protektahan ang kalusugan ng publiko at buwagin ang smuggling.

“Nananatili kaming nakatuon sa pagbabantay sa ating supply ng pagkain, pagprotekta sa ating mga magsasaka at mangingisda at pagtiyak sa kalusugan ng publiko,” ani Tiu Laurel.

Noong nakalipas na Disyembre, pinangunahan ni President Marcos ang donasyon ng 21 containers ng smuggled na frozen mackerel na nagkakahalaga ng P178.5 million na pumasok sa bansa ng walang sanitary at phytosanitary permits.