Calendar
MPV kasama 2 sakay dinala sa kawalan ng baha, ulan
NAKITA na ng mga otoridad ang isa sa dalawang sakay ng isang multi-purpose vehicle (MPV) na iniulat na tinangay ng malakas na agos ng baha Lunes ng gabi sa Caloocan City.
Isang itim na Mitsubishi Xpander na may dalawang sakay ang tinangay ng malakas na agos ng tubig baha patungo sa kanal sa Doña Aurora sa Barangay 177, Camarin, sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.
Natagpuan ang bangkay ng 60-anyos na lalaki na isa sa dalawang sakay ng MPV sa bahagi ng ilog sa may Brgy. 176, Bagong Silang, hapon ng Martes.
Sinabi ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na hindi sila titigil hangga’t hindi nahahanap ang kasama ng lolong biktima, habang nakikipag-ugnayan na rin sila sa kaanak ng mga ito.
Napag-alaman na mataas at malakas na ang ragasa ng tubig baha sa lansangan nang tangkain pa rin itong tahakin ng driver ng MPV hanggang sa lumutang at tinangay na ng agos patungo sa kanal sa Doña Aurora.
Ilang mga residente ang nagtangka pang iligtas ang dalawang sakay ng MPV subalit nabigo na rin sila nang tuluyang tangayin ito ng malakas na agos.
Makaraan ang mahigit isang oras, nakuha ng Rescue Team ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang sasakyan sa ilalim na ng Durian Bridge, na ayon sa alkalde ay may kalayuan na mula sa pinaghulugang kanal sa Doña Aurora.
Tiniyak ni Malapitan sa pamilya ng biktima na hindi sila titigil, kasama ang iba pang ahensiya ng pambansang pamahalaan, sa paghahanap sa kasama ng natagpuang biktima.

