Tourists

BI napigilang magtrabaho ng ilegal sa abroad 2 magpinsan

Jun I Legaspi Jul 22, 2025
346 Views

NA-intercept ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) noong Hulyo 18 ang dalawang Pilipinong hinihinalang ni-recruit upang ilegal na magtrabaho sa ibang bansa.

Iniulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang pagharang sa 44-anyos na babae at 32-taong gulang na lalaki na makalipad sa Hong Kong sakay ng Cebu Pacific.

Una nilang ipinahayag na sila ay mga turista, subalit natuklasan ng mga opisyal ang maraming salungat na detalye sa kanilang mga pahayag.

Sa kalaunan, inamin nilang magkasama silang bumiyahe upang makaiwas sa masusing inspeksyon at magtrabaho ng ilegal sa iba’t-ibang bansa.

Ayon sa babae, siya ay patungong United Arab Emirates at tinulungan ng lalaking kasama niya.

Ang nasabing lalaki kasama ang isang babaeng kasabwat, ay madalas bumiyahe at nangakong tutulong sa kanyang pag-alis.

Inamin din ng lalaki na siya mismo ang nag-alok ng tulong sa babae patungong Jeju Island. South Korea upang magtrabaho sa isang bukirin at may balak pang mag-recruit ng 10 katao.