Calendar
Source: SPD
4 na bakwit naunsyami shabu session sa evac center
BUKING ang umano’y tangkang shabu session ng apat na lalaking bakwit sa loob ng isang evacuation center nang maispatan kaagad ng pulisya Miyerkules ng gabi sa Taguig City.
Nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ni P/Capt. Johnny Sianen, hepe ng Taguig Police Sub-Station 9 dakong alas-7:30 ng gabi nang mapansin ang ginagawang pagsusuri ng apat lalaki sa loob ng Evacuation Center sa Hagonoy Sports Complex, Brgy. Hagonoy, sa isang plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu.
Nilapitan ng mga pulis ang apat na sina alyas Nico, 20, alyas John, 25, kapuwa residente ng Moonlight St. Brgy. Hagonoy, alyas Michael, 51, ng De Enero St. Brgy. Central Signal Village, at alyas Eugene, 48, ng MLQ Brgy. Hagonoy, na kaagad inaresto nang matuklasan shabu ang laman ng hawak na plastic sachet.
Nang isa-isang kapkapan, nakuha pa sa kanila ang karagdagang tatlong plastic sachet na pawang naglalaman din ng shabu. May kabuuang 3.1 gramo ang nakumpiska ng pulisya sa apat na nagkakahalaga ng P21,080.
Dinala ng pulisya ang mga nadakip sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig Police Station para sa wastong disposisyon sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.

