Calendar
Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Kamara
Kamara inalis fashion show sa SONA, red carpet para lang sa protocol
BILANG tugon sa panawagan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na gawing simple ang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes sa gitna ng pagbaha sa maraming lugar, naglabas ng memorandum ang Office of the Secretary General ng Kamara de Representantes upang masiguro na sa protocol lamang gagamitin ang red carpet at hindi sa fashion show.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Kamara, inilabas ni House Secretary-General Reginald “Reggie” S. Velasco ang memorandum ng Biyernes, Hulyo 25.
“In view of the recent calamities affecting several regions of the country, the following adjustments will be implemented for the Opening of the 20th Congress and the State of the Nation Address on July 28, 2025,” ayon sa memorandum na nilagdaan ni Velasco.
Ayon kay Abante, ginawa ang mga pagbabago upang mapanatiling maayos at disente ang SONA, at upang maipadama ang pakikiisa sa mga nasalanta ng pagbaha.
“The red carpet will still be laid out for official protocol, but it will no longer be a platform for ceremonial arrivals or media spectacle,” ani Abante.
“There will be no staged ceremonies, no fashion coverage, and no photo setups in the red carpet area,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Kamara.
Ayon sa memorandum, papayagan lamang ang maikling doorstop interviews sa mga bisita sa SONA at lahat ng media interaction ay kailangang sumunod sa itinakdang security at accreditation process.
Paalala ni Abante, mananatili ang formal attire para sa event, subalit hinihikayat ang mga miyembro ng Kamara na iwasan ang magarbo o maluhong pananamit. Inirekomenda rin ang pagsusuot ng Barong Tagalog at Filipiniana sa okasyon.
Batay sa memorandum, ang media access ay limitado lamang sa mga accredited personnel at sa itinakdang mga lugar tulad ng North at South Wing lobbies at press booths. Lahat ng aktibidad ay kailangang sumunod sa itinakdang mga patakaran sa seguridad ng Kamara.
“These adjustments reflect our solidarity with affected communities and our commitment to uphold the dignity of this national gathering,” ayon pa kay Velasco.
Ang hakbang na ito ay tugon sa naunang panawagan ni Romualdez, dating Speaker ng ika-19 na Kongreso, na iwasan ang magarbo at marangyang presentasyon ngayong taon, lalo na sa gitna ng pinsalang dulot ng bagyo at matinding pagbaha sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin ni Romualdez na kaisa ang Kamara sa adbokasiya ni Pangulong Marcos para sa isang “Bagong Pilipinas”—isang gobyerno na inuuna ang tapat na serbisyo, malasakit sa mamamayan at pananagutan, higit sa anumang palabas o pagpapakitang-tao.
Bilang bahagi rin ng pagtugon sa mga nasalanta, iniulat ng Kamara na nakapagpamahagi na ito ng humigit-kumulang P420 milyon sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) para sa mga biktima ng baha sa 42 distrito sa Metro Manila at iba’t ibang bahagi ng bansa, alinsunod sa utos ng Pangulo para sa agarang tulong.

