PAGCOR Tinatanggap ni La Union Governor Mario Eduardo C. Ortega (ikatlo mula kaliwa) ang mga donasyong relief goods mula sa PAGCOR noong Hulyo 24. Kabilang sa tulong ang 1,500 food packs at 1,500 non-food packs para sa mga residenteng naapektuhan ng matinding pagbaha at pag-ulan.

PAGCOR nagbigay-kalinga, P30M tulong sa mga apektado ng baha

362 Views

NAGLABAS ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng mahigit P30.41 milyon halaga ng pagkain at non-food aid para sa mga komunidad na matinding naapektuhan ng malalakas na pag-ulan at pagbaha sa bansa kamakailan.

Ayon sa state gaming agency, hanggang Sabado, Hulyo 26, nakapagpamigay na sila ng kabuuang 33,250 relief packs, na binubuo ng 17,000 food packs at 16,250 non-food items, sa mga local government units (LGUs) sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

“Habang milyon-milyong Pilipino sa Metro Manila at iba pang lalawigan ang naghihirap dahil sa walang humpay na pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat at mga bagyo, agad naming pinakilos ang aming mga relief operations team,” ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco.

“Bilang katuwang ng pamahalaan sa nation-building, tungkulin naming tumulong sa ating mga kababayan sa oras ng pangangailangan—at kasama diyan ang pagiging isa sa mga unang tumutugon kapag may kalamidad,” dagdag niya.

Kabilang sa mga LGU na nakatanggap ng tulong mula sa PAGCOR ay ang Maynila, Quezon City, Marikina, Parañaque, Cavite, Batangas, Rizal, Bulacan, Occidental Mindoro, La Union, at Laguna.

Ang pamamahagi ng tulong ay isinagawa sa pamamagitan ng mga bodega ng PAGCOR sa Imus at Angat, katuwang ang mga LGU at logistics partners.

Nagbigay din ang ahensya ng tulong sa ACT Teachers Partylist at Nanay Partylist sa pamamagitan ng paglalaan ng relief goods para sa pamamahagi sa kanilang mga nasasakupan na naapektuhan ng kalamidad.

“Tuloy-tuloy ang aming relief operations at magpapatuloy ito sa mga susunod na araw upang maabot pa namin ang mas maraming komunidad na sinalanta ng mga kamakailang kalamidad,” pahayag ni G. Tengco.

“Sana ay maihatid namin hindi lamang ang pagkain at mga pangunahing pangangailangan kundi pati na rin ang pag-asa at suporta.”

Ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 5.29 milyong katao o 1.46 milyong pamilya mula sa 17 rehiyon ang naapektuhan ng matitinding lagay ng panahon.