Bagyo1 Mga nasira sa unang distrito ng La Union bunsod ng Bagyong Emong, kung saan tinatayang mahigit P1 bilyon ang napinsala sa agrikultura, mga bahay at imprastraktura. Nagpasalamat si La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V kay Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, ang Speaker ng ika-19 Kongreso, sa agarang tulong sa mga nasalanta ng bagyo.

La Union mistulang na-Yolanda dahil sa mga bagyo, ayuda hiniling bilisan

552 Views

Bagyo2Bagyo3Bagyo4NANAWAGAN si La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V nitong Sabado ng agarang tulong mula sa pambansang pamahalaan habang patuloy na humaharap ang lalawigan sa matinding pinsalang dulot ng Bagyong Emong at iba pang kalamidad na tumama sa Hilagang Luzon nitong linggo.

Si Ortega, na Deputy Majority Leader ng ika-19 na Kongreso, ay nagsabing bagama’t mabilis ang naging tugon ng mga lokal na pamahalaan, ang lawak ng pinsala—lalo na sa agrikultura at pangunahing imprastruktura sa mga mabababang lugar at baybayin—ay nangangailangan ng mas matibay at tuloy-tuloy na suporta mula sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan.

“Tinataya nating higit sa P1 bilyon ang nawalang halaga sa agrikultura, pabahay at imprastruktura sa buong La Union. Kaya nananawagan ako ng tulong mula sa mga national agency para matulungan ang ating lalawigan na makabangon mula sa Bagyong Emong,” pahayag ni Ortega, isa sa mga lider ng House Young Guns, habang pinasalamatan din niya si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa mabilis na pagtugon.

Ayon kay Ortega, mas lumala pa ang epekto ng Emong dahil sa mga naunang bagyo—Crising at Dante—at ang tuluy-tuloy na habagat, na nagdulot ng mas malaking pinsala sa mga kabahayan, lalo na sa mga barangay sa baybayin at mabababang lugar kung saan maraming pamilya ang nawalan ng tahanan.

Bagaman naipamahagi na ang mga relief packs at shelter allowance sa bawat bayan, maraming lugar pa rin ang hindi marating dahil sa mga daang hindi madaanan.

“Nakahanda ang tulong, pero marami pa ring lugar ang hindi maabot. Kaya nananawagan kami sa national government na magpadala ng karagdagang pwersa para sa road clearing at power restoration upang maihatid ang tulong sa bawat komunidad,” diin ni Ortega.

Dagdag pa niya, kailangang-kailangan ng mga magsasaka ang tulong pinansyal, buto, abono at iba pang suporta sa produksyon upang agad na makapagtanim muli.

Nanawagan din si Ortega sa Department of Agriculture (DA) na maglunsad ng emergency recovery packages na angkop sa mga pangangailangan ng mga komunidad ng magsasaka.

Hinimok din niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tumulong sa pagsasaayos ng mga nasirang irigasyon, drainage channels at feeder roads, na mahalaga sa sektor ng agrikultura at operasyon ng relief goods.

“Kapag hindi natin agad inayos ang imprastruktura, mas matatagalan ang pagbangon ng aming lalawigan. Dapat natin itong ituring na isang seryosong hadlang sa kaunlaran na nangangailangan ng seryosong tugon,” sabi pa ni Ortega.

Nagpasalamat din ang kongresista sa mga lokal na opisyal at volunteer na nangunguna sa relief efforts sa mga apektadong barangay, kung saan libu-libong pamilya ang naapektuhan ng pagbaha.

“Marami pa rin ang nangangailangan ng tulong at ayuda. Tuloy-tuloy ang pamimigay natin ng relief goods, pero aminado tayong hindi ito kakayanin ng lokal lang. Kailangan natin ng tulong mula sa national government,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Ortega na tinututukan na ng lokal na pamahalaan ang final damage assessment upang maisumite ang mga kahilingan para sa karagdagang ayuda mula sa pambansang pamahalaan, alinsunod sa mga probisyon ng batas.

“Hindi ito panahon para maghintay na bumalik sa normal ang lahat. Ginagawa na ng aming local teams ang lahat, pero ang lawak ng pinsala ay nangangailangan ng pambansang suporta—makinarya, tauhan at koordinasyon—upang marating ang mga pinakamalubhang apektadong lugar,” pagtatapos ni Ortega.