PBBM Nagsagawa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng aerial inspection sa mga binahang lugar sa Pampanga nitong Sabado (Hulyo 26, 2025). Hindi natuloy ang nakatakda sanang pagbisita ni Marcos sa isang evacuation center sa Bacolor, Pampanga nang mas maaga sa araw na iyon dahil sa masamang lagay ng panahon. Source: Presidential Communications Office

Lugar na matinding naapektuhan ng baha ininspeksyon ni PBBM

400 Views

PAMPANGA – Nagsagawa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng aerial inspection sa mga lugar sa Pampanga na matinding naapektuhan ng pagbaha nitong Sabado, Hulyo 26, 2025.

Kasama ni Marcos sa inspeksyon si Kalihim Francisco Tiu-Laurel Jr. ng Department of Agriculture (DA) at Special Assistant to the President Secretary Antonio Ernesto Lagdameo Jr., batay sa mga larawang inilabas ng Presidential Communications Office.

Nakatakda sanang bumisita ang Pangulo sa isang evacuation center sa Bacolor, Pampanga noong Sabado ng umaga, ngunit hindi ito natuloy dahil sa masamang lagay ng panahon.

Sa halip, si DSWD Secretary Rex Gatchalian ang kumatawan kay Marcos at siyang nagtungo sa Bacolor Integrated School kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga biktima ng pagbaha.

Pinangunahan ni Gatchalian ang pamamahagi ng family food packs at iba pang pangunahing pangangailangan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan. Ipinabatid rin niya ang pangako ng Pangulo na magbigay ng agarang tulong upang mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong residente.

Dahil sa lawak ng pinsala, idinideklara ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga ang buong lalawigan sa ilalim ng state of calamity. Ayon sa kanilang ulat, mahigit kalahating milyong katao ang naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng walang humpay na pag-ulan.

Batay sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, mula pa nitong Huwebes, apektado na ang 160,891 na pamilya o 527,648 na indibidwal sa 290 barangay ng Pampanga.

Umabot na sa mahigit ₱470 milyon ang pinsala sa agrikultura at hayop, habang ₱170 milyon naman ang naitalang pinsala sa imprastruktura.

Bilang tugon, nagtalaga ang Department of Health (DOH) ng pansamantalang emergency medical facility sa Macabebe, Pampanga matapos isara ang Domingo B. Flores District Hospital dahil sa patuloy na pagbaha.
PNA