Clean

Pag-amyenda sa ordinansa ukol sa basura pinag-iisipan ni Yorme Isko

Edd Reyes Jul 26, 2025
318 Views

IKINOKONSIDERA ni Manila Mayor Isko Moreno na ma-amiyendahan ang ordinansa hinggil sa hindi wastong pagtatapon ng basura upang mapatawan ng mas mataas na multa at mabigat na parusa ang mga magkakasala.

Batay sa kasalukuyang umiiral na Ordinance No.8371 na kilala bilang Environmental Code of the City of Manila, papatawan lamang ng multang P600 hanggang P2,000 ang mahuhuli o pagkakabilanggo ng isang araw na hindi hihigit sa 15-araw kapag paulit-ulit na nahuhuli.

Naipasa ang naturang ordinansa na nagbabawal magtapon ng basura sa mga daan, katubigan at iba pang pampublikong lugar noong Nobyembre 18, 2014 sa ilalim pa ng pamumuno bilang alkalde ng dating Pangulong Joseph Estrada habang pinangunahan ni Mayor Isko Moreno na noon ay bise alkalde at presiding officer ng Sangguniang Panlungsod ang pagpapasa rito.

Inihayag ng alkalde ang posibilidad na pag-amiyenda sa ordinansa matapos lumubog sa baha ang maraming lansangan sa Maynila nang palakasin ng mga nagdaang bagyong Crising, Dante, at Emong ang Habagat.

Pinangunahan pa ng alkalde ang pagbubukas ng mga imburnal sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan kaya’t nasaksihan niya ang baradong kanal na tambak ng pinaghalo-halong basura, burak, buhangin, at natuyong semento.

Gayunman, sinabi ni Yorme na ikinokonsidera rin niya ang posibleng pagkakatambak ng kaso sa Manila Metropolitan Trial Court (MTC) kapag na-amiyendahan ang ordinansa, bukod pa sa masasapol sa mataas na multa ang karamihan sa mahihirap na residente ng lungsod.

Sa ngayon aniya ay kailangan muna nilang umaksiyon ng mabilis upang malinis ang lansangan, imburnal, at lahat ng mga daluyan ng tubig upang mabilis na humupa ang baha, kasama na rito ang utos sa mga opisyal ng barangay na mag-declogging tuwing araw ng Sabado.