NHA

NHA may 1 buwang moratorium sa amortisasyon

Jun I Legaspi Jul 27, 2025
295 Views

NAGLABAS ng panuntunan ang National Housing Authority (NHA) para sa isang buwang moratorium sa pagbabayad ng amortisasyon para sa mga benepisyaryo ng pabahay nito sa buong bansa, kasunod ng pinsalang dulot ng habagat at ng mga bagyo.

Sa ilalim ng direktiba ni GM Joeben Tai, ang moratorium na nakasaad sa NHA Memorandum Circular No. 2025-141 ay awtomatikong ipatutupad sa lahat ng benepisyaryo ng pabahay ng NHA.

Walang ipapataw na delinquency interest o multa sa loob ng isang buwang suspensyon. Magpapatuloy ang koleksyon ng amortisasyon at upa at ang pagdaragdag ng delinquency at iba pang interes sa Setyembre 1, 2025.

Nilalayon ng moratorium na magbigay ginhawa sa mga pamilyang naninirahan sa mga proyekto ng NHA, kung saan marami sa kanila ang nararamdaman pa ang pisikal at ekonomikong epekto ng mga bagyo.

Ayon kay GM Tai, ang pansamantalang moratorium ay pagbibigay-daan sa kanila na makabangon muli mula sa pinsalang dulot ng sunod-sunod na kalamidad nang walang karagdagang pasanin ng mga obligasyon sa pagbabayad.

Nilinaw din ng NHA na ang anumang bayad na ginawa sa panahon ng moratorium ay ilalapat alinsunod sa umiiral na hierarchy ng mga pagbabayad.

Dahil sa pagmamalasakit sa mga benepisyaryo ng pabahay ng NHA, idineklara ni GM Tai ang pagpapalabas ng moratorium na ito bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng bagyo.

Ang NHA ay isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development na pinamumunuan ni Secretary Jose Ramon Aliling.