Calendar
Madrona muling nahalal bilang Chairman ng House Committee on Tourism
MULING nahalal bilang chairman ng House Committee on Tourism si Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona matapos magtalaga ang liderato ng Kamara de Representantes ng mamumuno sa lahat ng komite.
Inihayag ni Madrona ang kaniyang patuloy na commitment para sa pagpapalakas at pagpapa-unlad ng Philippine tourism sa pamamagitan ng paghahain ng mga panukalang batas para sa layuning ito.
Nagpasalamat din ang beteranong kongresista sa tiwalang ipinagkaloob sa kaniya ng House leadership sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez para muling pamunuan ang Committee on Tourism ngayong 20th Congress.
Sinabi ni Madrona na napakarami pang dapat asikusahin at tutukan para mapaunlad ang turismo ng bansa sa gitna ng itinuturing itong isa sa mga haligi ng ating ekonomiya driver dahil sa malaking ganansiya na nakukuha dito ng gobyerno.
Pagbibigay diin ni Madrona na hindi maikakaila na libo-libong lokal at dayuhang turista ang bumibista sa Pilipinas kaya mahalaga na makatuwang ng pamahalaan ang Committee on Tourism para mas lalo pang pasiglahin ang ating turismo.

