Tulfo

Sigaw mula Senado: Iligtas bihag na Pilipinong marino

381 Views

GatchalianNANAWAGAN sina Senaor Raffy Tulfo at Sherwin Gatchalian ng mabilis at koordinadong hakbangin mula sa pamahalaan upang tiyaking mapalaya ang siyam na Pilipinong marino na kasalukuyang bihag ng mga rebeldeng Houthi, matapos ang pag-atake at paglubog ng barkong MV Eternity C sa karagatang malapit sa Yemen.

Bagama’t hiwalay ang kanilang pahayag, kapwa nila binigyang-diin ang pangangailangang magpatupad ng matatag na diplomatikong hakbang at mas pinaigting na proteksyon para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naka-deploy sa mga rutang itinuturing na delikado.

Ayon kay Senador Tulfo, na ipinaalam ang impormasyon mula kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac, nakumpirmang buhay pa ang siyam na tripulanteng Pilipino at hawak ng mga Houthi.

“Isang malaking bagay ang makumpirma nating buhay pa ang ating mga kababayang tripulante,” aniya. Nanawagan siyang magsagawa ng “lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang kanilang kaligtasan at mapalaya sila sa lalong madaling panahon.”

Iginiit naman ni Senador Gatchalian ang kahalagahan ng diplomatikong pagkilos upang mapabilis ang paglaya ng mga marino. “The Philippine government should leave no stone unturned in securing the safe release of nine Filipino crewmen being held by Houthi rebels. Hindi na dapat patagalin,” aniya.

Iminungkahi rin niyang makipag-ugnayan ang DMW at Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga kaalyadong bansa na maaaring may sapat na impluwensyang diplomatiko upang tumulong.

Ayon sa mga ulat, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DFA sa ilang bansa sa rehiyon, kabilang ang Oman, upang matukoy ang kinaroroonan ng mga bihag at magbukas ng posibilidad ng third-party negotiations.

Ipinabatid ng mga opisyal na walang direktang usapan sa mga Houthi sa ngayon, ngunit nananatiling bukas ang iba’t ibang diplomatikong kanal.

Ang MV Eternity C, isang barkong kargamentong may bandila ng Liberia, ay iniulat na inatake ng missile o drone malapit sa Hodeidah. Ilang tripulante ang nailigtas, habang kinumpirma naman na siyam na Pilipino ang buhay at lumitaw sa isang video na inilabas ng mga Houthi—na kinilala ng kanilang mga pamilya.

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Migrant Workers, ipinaalam ni Tulfo ang kanyang planong magsagawa ng pagdinig sa Senado upang suriin ang kasalukuyang deployment policies at mga umiiral na safety protocol para sa mga marino.

“Kabilang sa mga tatalakayin ay kung dapat na bang magkaroon ng mandatory security assessment sa mga mapanganib na ruta,” aniya, at iminungkahi rin ang posibilidad ng total deployment ban sa high-risk areas.

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Gatchalian ang hindi katanggap-tanggap na pagkakasangkot ng mga Pilipinong marino sa mga sitwasyong labis na delikado. “Hindi katanggap-tanggap na nadadamay ang mga kababayan nating marangal na nagtatrabaho sa mga ganitong nakakabahalang sitwasyon,” aniya.

Sa katunayan, ang insidente ay kahalintulad ng nangyari sa Galaxy Leader kung saan labingpitong Pilipinong marino ang binihag nang higit sa isang taon, bago sila napalaya nitong unang bahagi ng 2025 sa tulong ng third-party negotiations.

Sa kabuuan, pinapalakas ng mga pahayag nina Tulfo at Gatchalian ang panawagan para sa mas matibay na seguridad sa karagatan at agarang pagtugon ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga Pilipinong manggagawa sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Red Sea.