Budget

Badyet hiniling na tutukan, singit na proyekto imbestigahan

246 Views

ISINUSULONG ni Senadora Risa Hontiveros at ng bagong tatag na Minorya ng Senado—na kinabibilangan nina Senate Minority Leader Vicente Sotto III, Sen. Miguel Zubiri, Sen. Panfilo “Ping” Lacson, at Sen. Loren Legarda—ang mas pinaigting na mga reporma para sa transparency sa proseso ng pambansang badyet. Tinukoy din nila ang mga kahina-hinalang isiningit na proyekto sa flood control at nanawagan ng mas mahigpit na pagbabantay mula sa pamahalaan.

Sa Kapihan sa Senado, inilahad ni Hontiveros na ang Senate Joint Resolution No. 1—na kanyang co-author kasama ang kapwa miyembro ng Conscience Bloc at suportado nina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino—ay naglalayong buksan sa publiko ang mga pagpupulong ng bicameral conference committee sa badyet, sa pamamagitan ng livestreaming at pagpapalabas ng opisyal na minutes at comparative matrices.

“Makakatulong ang open bicam para siguruhin na… andun din yung people’s participation, pati sa budget making process,” aniya, sabay iginiit na dapat ay may kakayahan ang civil society at mga tagapagtaguyod ng reporma na masubaybayan ang mga negosasyon sa pagitan ng Senado at Kamara ukol sa pinal na badyet.

Batay sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), may mga flood control project na isinama sa 2025 national budget kahit hindi ito inaprubahan o isinulong ng DPWH o ng Department of Budget and Management. Ayon sa ulat, ilan sa mga proyektong ito ay idinagdag ng ilang mambabatas sa huling sandali.

“May mga dokumentasyon na… one-third daw sa binabudgetan [ng DPWH] ay ang mismong flood control. Kaya kailangan sagutin, bakit… lalong tumatagal bago humupa [ang baha]?” tanong ni Hontiveros, sabay binigyang-diin ang matagal nang problema sa pag-iwas sa pagbaha sa kabila ng malaking pondo.

Ikinuwento rin niya na siya at si dating Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel ay bumoto laban sa 2025 General Appropriations Act at tumangging lagdaan ang bicam report, dahil sa “pag-defund sa PhilHealth” at kabiguang bigyang prayoridad ang edukasyon. Aniya, ang mga flood control insertion ngayon ay nagsisilbing “dagdag na dahilan” at isang uri ng “vindication.”

Malugod na tinanggap ni Hontiveros ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA na imbestigahan ang mga anomalya sa flood control programs at panagutin ang mga sangkot. “Mabuti kung mangyari ‘yun para ilabas na lahat ng mga ebidensya,” aniya.

Upang matiyak ang pananagutan sa kasalukuyang taon ng badyet, iminungkahi ni Hontiveros na magsagawa ang Commission on Audit (COA) ng maagap na audit at ipabatid sa Senado ang mga ulat na makatutulong sa susunod na deliberasyon para sa 2026 budget.

“Inaasahan ko na ang COA ay gawing available dito sa amin sa Senado, lalong-lalo na sa minorya,” binigyang-linaw ni Hontiveros.

Ang Minorya ng Senado ay isinusulong din ang karagdagang mga pananggalang laban sa maling paggamit ng pondo ng bayan, lalo na matapos kilalanin ni Pangulong Marcos ang problema ng mga insertion sa badyet sa kanyang pambansang talumpati.

Binigyang-diin ni Hontiveros na nagsisimula ang pagpigil sa ganitong mga abuso sa pamamagitan ng bukas na proseso sa lehislatura at tuloy-tuloy na pressure mula sa publiko.

“Hindi naman po nauubos ang fighting spirit… ng mga advocates of public accountability,” dagdag pa niya.