Calendar
Nasa larawan sina Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at Sablayan Mayor Walter Marquez
Blue and Red Ribbon Project inilunsad ng BuCor vs stigma sa reintegrasyon ng PDL
INILUNSAD ng Bureau of Corrections (BuCor) ang Blue and Red Ribbon Project, isang kampanya na layuning palawakin ang kamalayan ukol sa reintegrasyon, bawasan ang stigma, at palakasin ang suporta para sa mga dating Persons Deprived of Liberty (PDLs) matapos silang makalaya.
Ipinahayag ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na ang proyekto ay hango sa Yellow Ribbon Movement ng Singapore, na nagpapakita ng kahalagahan ng pag-asa, pagtanggap, at paniniwalang ang bawat isa ay nararapat mabigyan ng pangalawang pagkakataon sa buhay.
Binibigyang-diin ng inisyatiba ang matibay na pangakong suportahan ang mga PDL matapos silang makalaya—isang mahalagang hakbang upang matiyak ang maayos na pagbabalik nila sa lipunan.
Bilang bahagi ng proyekto, balak ng BuCor na magpatayo ng mga halfway house sa lahat ng operating prisons at penal farms sa buong bansa. Magiging pansamantalang tirahan ito ng mga PDL habang inaayos ang kanilang tuluyang paglaya at pagsasaayos ng mga legal na dokumento.
Ayon kay Catapang, ang mga halfway house na ito ay magsisilbing support system na magbibigay ng tulong at gabay upang matagumpay na makapanumbalik ang mga dating PDL sa kani-kanilang mga komunidad.
Pinaliwanag pa ni Corrections Technical Superintendent Noel Marquez na ang Blue and Red Ribbon Project ay hindi lamang basta programa—ito ay isang kilusan na layuning maghatid ng pag-asa sa mga nakalaya, at kilalanin ang epekto ng kanilang pagbabalik sa kanilang pamilya at komunidad.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa trabaho, edukasyon, at personal na paghilom, nais ng proyekto na wakasan ang stigma na madalas kaharapin ng mga ex-offenders.
Ayon pa kay Marquez, ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa community-based rehabilitation, na nagpapakita ng pagbabagong pananaw sa reintegrasyon na nakabatay sa pag-unawa at pakikiisa ng mamamayan.
Samantala, iniulat ng BuCor na 736 PDLs ang napalaya mula Hulyo 4 hanggang Hulyo 30, dahilan upang umabot sa 25,304 ang kabuuang bilang ng mga napalaya sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Ayon kay Catapang, ang mga dahilan ng paglaya ng 736 PDLs ay ang mga sumusunod: Pagkatapos ng maximum sentence – 554; Pagkaka-acquit o absuwelto sa kaso – 56; Pagkakalooban ng probation – 14; Writ of habeas corpus – 7; Parole – 100; at Turn-over dahil sa pending cases – 5.
Ang mga napalayang PDLs ay mula sa sumusunod na mga pasilidad: Correctional Institution for Women (CIW) – 37; CIW-Mindanao – 6; Davao Prison and Penal Farm – 118; Iwahig Prison and Penal Farm – 77; Leyte Regional Prison – 54; New Bilibid Prison (NBP) – 63; NBP-Maximum – 85; NBP-Medium – 87; NBP-Minimum – 36; NBP-Reception and Diagnostic Center (RDC) – 10; Sablayan Prison and Penal Farm – 71; at San Ramon Prison and Penal Farm – 92.

