Adiong

DML Adiong: Mas maraming Mindanaoan sumusuporta kay Speaker Romualdez

382 Views

PARAMI nang parami ang mga taga-Mindanao na sumusuporta sa House of Representatives at sa pangunahing lider nito na si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ayon kay House Deputy Majority Leader at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong nitong Biyernes.

Ayon kay Adiong, mas malawak na suporta para kay Speaker Romualdez at sa Kamara ang makikita batay sa resulta ng second-quarter survey ngayong 2025 mula sa independent pollster na OCTA Research.

Ipinakita sa survey na tumaas ng tatlong puntos ang trust rating ni Speaker Romualdez sa buong bansa, mula 54% tungo sa 57%. Samantala, ang kanyang performance rating ay lumago ng apat na puntos, mula 55% tungo sa 59%.

Dagdag pa ni Adiong, kapansin-pansin din ang katulad na pag-angat sa Mindanao, na kilala bilang balwarte ng mga Duterte.

Batay sa datos ng OCTA survey, tumaas ng isang punto ang trust rating ni Speaker Romualdez sa Mindanao, mula 35% noong unang quarter tungo sa 36% sa ikalawang quarter. Ang kanyang performance rating naman ay lumundag ng tatlong puntos, mula 40% tungong 43%.

“Hindi nagsisinungaling ang mga numero. Ibig sabihin nito ay mas pinahahalagahan na ng mga kababayan natin sa Mindanao ang ginagawa ng Kamara at ni Speaker Romualdez para mapabuti ang buhay ng mga tao at mapanatili ang kaunlaran sa ating minamahal na isla,” pahayag ni Adiong.

Aniya, tumaas ang tiwala at performance rating ni Speaker Romualdez hindi lang sa Mindanao kundi sa lahat ng rehiyon at antas ng lipunan, sa kabila ng desisyon ng Kamara na i-impeach si Vice President Sara Duterte noong Pebrero 5.

“Ang pagtaas ng bilang ay nangangahulugang hindi isinisi sa amin ng mga taga-Mindanao ang desisyong iyon. Naiintindihan nilang tungkulin namin ang panagutin ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa maling paggamit ng pondo at iba pang katiwalian,” aniya.

Binanggit din ni Adiong na ang trust rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Mindanao ay tumaas ng dalawang puntos, mula 38% tungong 40%, habang ang kanyang performance rating ay umangat ng isang punto sa 43%.

Sa buong bansa, tumaas ang trust rating ng Pangulo ng apat na puntos, mula 60% tungo sa 64%, habang ang performance rating ay tumaas ng tatlong puntos mula 59% tungo sa 62%.