Ridon

Ridon: Ilang senador sablay sa inter-parliamentary courtesy

325 Views

PINUNA ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang ilang senador dahil sa paglabag umano sa inter-parliamentary courtesy at pagne-“name-calling” laban sa liderato ng Kamara de Representantes bunsod ng kanilang mga patutsada ng pagbotohan ang pag-archive ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang press conference, sinabi ni Ridon na ang desisyon ng Senado na i-archive ang reklamo—sa kabila ng nakabinbing motion for reconsideration sa Korte Suprema—ay sinabayan pa ng mga “lubhang hindi angkop” na talumpati mula sa ilang senador na umatake sa integridad at motibo ng Kamara.

“Ang ating pagkakaalam, ito ay dapat pagpapaliwanag ng mga boto kung bakit kailangan i-archive o bakit hindi dapat i-archive itong impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte. Pero malaking bahagi po ng mga talumpati ay tungkol po sa pagtingin o kuro-kuro ng ilang senador, ng liderato ng Senado laban po sa liderato ng House of Representatives,” ayon kay Ridon.

Bilang chair ng House Committee on Public Accounts at co-chair ng House Quad Comm, iginiit ni Ridon na ang Senado at Kamara ay magkapantay at malayang mga institusyon na hindi dapat nakikialam sa internal affairs ng isa’t isa.

“Ibig sabihin wala pong pakialam ‘yun pong Senado sa internal affairs ng House of Representatives. In the same manner na wala pong pakialam ang House of Representatives sa mga internal affairs ng Senado. Ito po ‘yung prinsipyo ng inter-parliamentary courtesy,” giit niya.

Ayon pa kay Ridon, malinaw na nilabag ang prinsipyong ito, lalo na sa paggamit ng masasakit na salita at personal na pag-atake sa ilang talumpati sa Senado.

“Malaking pagbasag po [sa inter-parliamentary courtesy] ‘yung ilan sa mga talumpati dahil may binabanggit na masasakit na mga salita at pagpapangalan. Ibig sabihin name-calling laban po sa liderato ng House,” ayon sa mambabatas.

Binanggit din ni Ridon na ang impeachment case ay hindi usapin ng pulitika o personalidad, kundi usapin ng pananagutan at pagsunod sa batas.

“Ito po ay usapin ng accountability sa usapin po ng paggamit ng confidential funds. Usapin po ito ng accountability sa usapin ng pagbabanta laban sa Pangulo ng Pilipinas, sa First Lady at sa atin pong House Speaker,” giit ng kongresista.

Ang tinutukoy ni Ridon ay ang mga alegasyon sa reklamo laban kay VP Duterte tungkol sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds, pati na rin ang mga pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Dagdag pa niya, magpapatuloy ang Kamara sa pagtupad ng mandato nitong simulan ang impeachment proceedings, anuman ang katayuan o posisyon ng opisyal na sangkot.

“Whether po si Vice President Sara Duterte po ito, whether kung sino pa ho ang maging bise presidente, pangulo ng Pilipinas o Supreme Court justice, kung may paglabag sa usapin ng paggamit ng pondo ng bayan, ‘pag may paglabag sa usapin ng paggamit ng confidential funds, kung mayroon pong Mary Grace Piattos na pumipirma sa confidential funds acknowledgement receipts, magpapatuloy po ang mga impeachment proceedings katulad nito,” diin niya.

Sa huli, sinabi ni Ridon na hihintayin ng Kamara ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa kanilang motion for reconsideration kaugnay ng pagbasura ng Articles of Impeachment ng Ikalawang Pangulo.

“Very important po na looking forward ang House as we move on from the archiving of the Senate of the impeachment proceedings. So aantayin po ng Kongreso ang magiging resulta nitong motion for reconsideration sa Supreme Court,” dagdag pa ni Ridon.