Sabungero

Dagdag impormasyon sa mga pulis na sangkot sa missing sabungero panawagan

Jun I Legaspi Aug 8, 2025
334 Views

INUTUSAN ni Atty. Rafael Vicente R. Calinisan, Vice-Chairman at Executive Officer ng National Police Commission (NAPOLCOM), ang Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) na magsagawa ng motu proprio na imbestigasyon kaugnay ng diumano’y pagkakasangkot ng ilang pulis sa pagkawala ng higit 100 sabungero.

Mariing binigyang-diin ni Calinisan na hindi magdadalawang-isip ang NAPOLCOM na alisin sa serbisyo ang sinumang pulis na mapatunayang nakipagsabwatan sa grupong sinasabing nasa likod ng pagpatay sa mga biktima at pagtatapon ng kanilang mga katawan sa Taal Lake, sa lalawigan ng Batangas.

Kasabay nito, nanawagan si Calinisan sa naghain ng reklamo—o sa sinumang may nalalamang impormasyon—na maghain ng pormal na reklamo sa NAPOLCOM upang mapabilis ang resolusyon ng kaso, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ) at sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Ang bagong yugto ng imbestigasyong ito ay kasunod ng mga rebelasyon sa DOJ ng isang testigo na tinukoy sa alyas na “Totoy,” na nagsangkot umano sa ilang mga pulis, isang guwardiya mula sa isang sabungan sa Maynila, at isang personalidad sa showbiz na konektado raw sa utak ng krimen.