Napolcom sinuspindi police power ng mayor ng San Simon

Jun I Legaspi Aug 8, 2025
414 Views

INUTUSAN ni Komisyoner Rafael Vicente R. Calinisan, Pangalawang Tagapangulo at Executive Officer ng National Police Commission (NAPOLCOM), ang pagsuspinde ng kapangyarihang pamahalaan ang pulisya sa Bayan ng San Simon, Pampanga, na dating nasa ilalim ng pamamahala ng kasalukuyang alkalde, Abundio Punsalan Jr.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng pagkakaaresto kay Mayor Punsalan Jr. sa isang entrapment operation na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI), matapos umano’y tumanggap ng bahagi ng ₱80 milyong suhol kapalit ng paborableng resolusyon mula sa lokal na pamahalaan, ayon sa reklamo ng Realsteel Corporation.

Bilang tugon, inatasan ni Komisyoner Calinisan ang Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) na magsagawa ng motu proprio (sariling inisyatibo) na imbestigasyon para sa posibleng ganap na pagbawi ng kapangyarihang ipinagkaloob ng NAPOLCOM sa mga Local Chief Executive upang pamahalaan ang kapulisan sa kanilang nasasakupan.

Kasama sa kapangyarihang ito ang:

– Pagbibigay ng direktiba sa mga operasyon ng pulisya
– Pag-aassign ng mga tauhan ng pulis
– Pagbuo ng mga plano para sa kaligtasan ng komunidad
– Pagpili ng hepe ng pulisya batay sa legal na kwalipikasyon

Ayon kay Komisyoner Calinisan, “sa ilalim ng batas, ang mga mayor at gobernador ay awtomatikong kinikilala bilang kinatawan ng NAPOLCOM upang gampanan ang mga tungkuling ito, kahit walang pormal na panunumpa.”

Dagdag pa niya, “kasama rin sa kanilang responsibilidad ang pagbabantay sa performance ng pulisya, pagsuporta sa mga seminar at pagsasanay, at pagbuo ng mga plano para sa kaligtasan ng publiko sa komunidad.”