PBBM

Hiling ni PBBM sa China: Mag-warning bago mag-rocket launching

252 Views

HINILING ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa China nitong Biyernes na magbigay ng maagang abiso kung may posibilidad na may malaglag na bahagi ng rocket sa teritoryo ng Pilipinas mula sa mga rocket na inilunsad ng China.

Ayon kay Pangulong Marcos, wala namang interes ang Pilipinas sa mga rocket ng China, at handa ang pamahalaan na kunin ang anumang debris at ibalik ito sa China.

Sa Kapihan sa Media forum sa Bengaluru, India, sinabi ng Pangulo na walang nilabag na batas ang China kaugnay ng paglulunsad ng Long March 12 rocket noong Agosto 4, kung saan pinaniniwalaang may debris na bumagsak malapit sa Palawan.

“Hindi naman ito unang beses na nangyari. At kung titingnan mo talaga ang mga insidente, wala silang nilabag. Wala namang nasaktan,” ayon sa Pangulo.

“Ang hinihiling lang natin sana ay bigyan tayo ng mas maagang babala para alam natin ang direksyon ng rocket, kung saan ito dadaan, at kung magbibitaw sila ng stages, saan ito babagsak,” dagdag pa niya.

Ikinuwento rin ni Pangulong Marcos na noong kanyang pagbisita sa Beijing noong 2023, inalok niya kay Chinese President Xi Jinping ang tulong ng Pilipinas sa pagkuha ng debris upang ibalik ito sa China.

“Naalala ko noong una kong pagbisita sa Beijing, sinabi ko kay President Xi, ‘Alam mo, wala naman kaming interes sa mga rocket ninyo. Sabihin nyo lang kung saan babagsak, kukunin namin at ibabalik sa inyo,’” ayon sa Pangulo.

“Hanggang ngayon, ‘yan pa rin ang alok ko sa China. Hindi n’yo kailangang agawin sa amin ‘yan. Eh ano naman ang gagawin namin doon? Sabihan nyo kami kung saan dadaan yung rocket. ‘Pag may babagsak, kukunin namin sa dagat, tapos ibibigay namin sa inyo. Wala namang problema,” dagdag pa niya.

“Ang maganda naman dito, wala namang nasaktan. Walang tinamaan. Walang naging problema,” pagtatapos ni Pangulong Marcos.