Speaker Romualdez Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez nagpasalamat sa US sa bagong ayuda, malasakit sa binaha

406 Views

NAGPASALAMAT si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamahalaan ng Estados Unidos para sa karagdagang P13.8 milyon ($250,000) halaga ng tulong para sa emergency shelter at hygiene kits para sa 3,000 pamilyang naapektuhan ng pagbaha noong Hulyo dulot ng habagat.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang tulong ay patunay ng matibay at matagal nang pagkakaibigan ng Pilipinas at Estados Unidos. Binigyang-diin niya na ang bagong tulong ay nagpapakita ng tuloy-tuloy na suporta ng matagal nang kaalyado ng bansa sa panahon ng pangangailangan.

“Lubos naming pinahahalagahan ang bukas-palad na tulong na ito na makatutulong nang malaki sa maraming kababayan nating muling maitayo ang kanilang mga tahanan at maibalik ang normal na pamumuhay,” ani Speaker Romualdez.

“Ang ganitong hakbang mula sa Washington ay muling nagpapatibay sa walang pag-aatubiling pagtindig ng Estados Unidos kasama ang sambayanang Pilipino sa mabubuting panahon at sa panahon ng matinding pangangailangan,” dagdag niya.

Binanggit ng beteranong mambabatas mula Leyte na bukod sa agarang pagtulong sa mga biktima ng baha, pinatitibay din ng tulong ng Estados Unidos ang malalim na ugnayan ng dalawang bansa na nakabatay sa pagtitiwala, magkakaparehong pagpapahalaga, at sama-samang layunin na pagbutihin ang buhay ng mga mamamayan.

Noong Biyernes, inanunsyo ng US Embassy sa Maynila ang karagdagang pondo para sa pamamahagi ng emergency shelter materials at hygiene kits sa humigit-kumulang 15,000 indibidwal na nananatili sa mga evacuation center sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Bulacan at Pampanga.

Sa tulong na ito, umabot na sa kabuuang P27.6 milyon ($500,000) ang tulong ng Estados Unidos para sa mga disaster response efforts sa Pilipinas.

Ang International Organization for Migration (IOM) kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang magbibigay ng tarpaulin, repair kits at mga gamit sa mga pamilyang nasira o napinsala ang mga bahay.

Kasama sa bawat kit ang mga pangunahing gamit sa konstruksyon upang makapagsimula ang mga pamilya sa muling pagtatayo ng kanilang mga tahanan.

Magbibigay din ng hygiene kits na naglalaman ng sabon, timba at mga gamit panglinis, habang imo-monitor ng IOM ang kalinisan sa mga evacuation center upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Ayon kay US Embassy Chargé d’Affaires ad interim Y. Robert Ewing, taos-pusong nagpapasalamat ang Estados Unidos sa pakikipagtulungan ng IOM, World Food Programme (WFP), DSWD at Office of Civil Defense upang makatulong sa pagbangon at pag-ahon ng mga pamilyang naapektuhan.

Kamakailan ay naglaan na ang pamahalaan ng Estados Unidos ng P13.8 milyon ($250,000) sa pamamagitan ng WFP, na nakapagbigay ng 47,700 food packs para sa mahigit 200,000 benepisyaryo sa Northern at Central Luzon.

Katuwang din ng mga eroplano ng militar ng US ang Armed Forces of the Philippines sa paghahatid ng 6,300 food packs para sa 18,000 indibidwal sa Batanes.

Hinikayat ni Speaker Romualdez ang DSWD na siguraduhing magiging mabilis at transparent ang pamamahagi ng pinakabagong tulong.

“Hinihiling namin sa DSWD na bigyang prayoridad ang mga pamilyang mababa ang kita, lalo na ang mga senior citizens, persons with disabilities at mga batang maliliit. Kailangan nila ng agarang suporta habang muling itinatayo ang kanilang mga buhay sa gitna ng patuloy na tag-ulan,” ani Romualdez.

Hinikayat din ni Romualdez ang iba pang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan na palakasin ang suporta sa tulong ng US sa pamamagitan ng pagtiyak na may sapat na access ang mga pamilyang nasa evacuation centers sa malinis at ligtas na pasilidad para sa kalinisan at sanitasyon.

“Kailangan din nating gampanan ang ating bahagi sa pag-aalaga sa ating mga kababayang nawalan ng tirahan. Mahalaga ang pagtiyak sa kanilang kalusugan at kaligtasan sa mga evacuation center, lalo na habang patuloy nating hinaharap ang epekto ng climate change,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

“Ang ating alyansa sa Estados Unidos ay hindi lamang tungkol sa depensa at ekonomiya. Ito ay isang relasyon na nakabatay sa tunay na malasakit at pagkakaibigan. Paulit-ulit nang tumindig ang Estados Unidos sa tabi natin sa pinakamahihirap nating panahon, at kami ay taos-pusong nagpapasalamat para rito,” dagdag pa ni Romualdez.