Lacson: Patuloy na transparency maisosoli ng kredibilidad ng Senado

195 Views

NANAWAGAN si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang mga kapwa mambabatas na panatilihin at lalo pang patibayin ang mga hakbang para sa transparency bilang pangunahing susi upang maibalik ang tiwala ng taumbayan at maiangat muli ang performance ratings ng Senado.

Ayon sa datos mula sa Octa Research survey na isinagawa mula Hulyo 12 hanggang 17, bumaba ang trust rating ng Senado mula 57% patungong 49%, habang ang performance ratings naman ay mula 53% ay bumagsak sa 47%.

Paliwanag ni Lacson, maaaring sanhi ito ng pananaw ng publiko hinggil sa umano’y “pork” insertions at ng pagkadismaya sa paraan ng paghawak sa impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

“Perception yan, kasi yan ang nakikita o nababasa araw-araw… Kaya kailangan maging maingat kami,” ani Lacson sa panayam ng One PH, sabay banggit na may ilang senador na naiuugnay sa P142 bilyong “bicam insertions” sa panahon ng survey.

Pinuri niya ang naging inisyatiba na buksan ang proseso ng budget hanggang sa bicameral conference committee at iginiit na mahalagang ipagpatuloy ito. “I hope these efforts toward transparency will be sustained and we will not have a ‘bulungan bicam’ for the 2026 budget,” dagdag pa niya.

Kinatigan din ni Lacson ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 28 na, ayon sa kanya, ay naglagay sa mga mambabatas “on the spot” at nagbigay-daan para maging mas bukas at malinaw ang proseso.

Tiniyak ng senador na magpapatuloy siya sa masusing pagsusuri ng pambansang budget at sa pagbusisi sa mga iregularidad sa mga proyektong pang-kontrol sa baha. Iginiit niyang sa kabila ng mahigit P2 trilyong pondong inilaan sa Department of Public Works and Highways mula pa noong 2011, hindi pa rin natutugunan ang problema sa pagbaha.