Calendar
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang suspek na umano’y kamag-anak ng biktima, matapos aksidente nitong tamaan ng bala ng steel nail gun sa dibdib na ikinamatay ng biktima sa Tondo, Manila.
Mga kuha ni JON-JON C. REYES
Nail gun inayos, pumutok, tumama sa kelot na natigok
HINDI na umabot ng buhay sa pinagdalhang pagamutan ang isang 40-anyos na lalaki matapos na aksidenteng tamaan ng steel nail gun sa dibdib ng kanyang kasamahan sa trabaho, Biyernes ng hapon sa Tondo, Manila.
Kinilala ang bikitma na si alyas “Felicito” na tubong Bicol at residente ng Meycauayan, Bulacan.
Ayon sa report ng Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station 1, bandang 12:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa construction sa loob ng dump site sa kahabaan ng Sitio Damayan sa Barangay 105, Tondo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinubukan umano ng biktima na ayusin ang kanilang steel nail gun ngunit hindi niya ito maayos at iniabot niya ito sa kasamahan na si alyas “Eugene,” na 28-anyos at diumano’y kamag-anak ng biktima, upang ayusin ito.
Subalit habang inaayos niya ito, biglang pumutok at lumabas ang bala ng nail gun kung saan aksidenteng tumama sa dibdib ng biktima.
Agad na isinugod ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival ng doktor bandang 1:05 ng hapon.

