Yorme

Seniors sa Maynila bibigyan ng gatas para lalong lumakas

Edd Reyes Aug 9, 2025
406 Views

SISIMULAN nang ipamigay sa mga senior citizens sa Maynila ang Ensure Gold Nutritional Supplement na halos tatlong taong naipagkait sa kanila ng nakaraang administrasyon.

Sa live broadcast ng Yorme’s Hour sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno, sinabi ng alkalde na posibleng sa Lunes masimulan na ang pamamahagi ng Ensure Milk sa lahat ng mga senior citizen sa Maynila.

Gayunman, nilinaw ng alkalde na huwag magtataka ang mga senior citizen na hindi kaagad makakatanggap ng gatas dahil nangangahulugan lamang ito na hindi pa sinusumite ng kanilang barangay ang updated na listahan ng mga matatandang benepisyaryo sa kanilang lugar.

Ayon sa alkalde, nagbigay ng abiso sa may 896 barangays sina Manila Barangay Bureau OIC Joel Par at Office of the Senior Citizen Affairs OIC Sheida May Mohammad, upang magsumite ng updated na listahan ng mga senior citizen sa kanilang tanggapan para mabatid kung ilan ang dapat ipamahaging gatas o Social Amelioration Programs tulad ng buwanang allowance.

Magugunita na ipinagbawal noong nakaraang administrasyon ang pagtanggap ng mga hindi botanteng senior citizen sa Maynila ng buwanang allowance at ang mga hindi kaagad nakapunta sa araw ng distribusyon ay nawawalan na ng karapatan ng matanggap ang allowance.

Ayon sa alkalde, hindi tama na pagkaitan ng biyaya ang mga hindi botanteng senior na residente ng Maynila at kung hindi kaagad nakapunta sa araw ng distribusyon dahil sa mga kadahilanan, may pagkakataon pa silang makuha ang allowance sa susunod na bigayan.

“Gusto kong maiparamdam sa ating mga lolo at lola na mahal namin at mahalaga sila sa amin,” pahayag ng alkalde.