Canada

Agri cooperation pinalakas ng PH, Canada

Cory Martinez Aug 11, 2025
189 Views

PINAGTIBAY pa ng Pilipinas at Canada ang kanilang commitment na palakasin pa ang agricultural cooperation sa pagpupulong nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Heath MacDonald, Agriculture and Agri-Food Minister ng Canada, kamakailan sa Conrad Hotel sa Manila.

Nakatuon ang kasunduan sa plant health, capacity building, scientific at regulatory advancement at ang palitan ng innovation para mapataas pa ang productivity.

Bahagi ng pagsisikap na maitaas ang Philippine-Canada agri-fishery trade at technical collaboration ang naturang inisyatiba.

Pinuri ng dalawang pinuno ang matagal ng partnership ng dalawang bansa dahil sa paglakas ng bilateral agri-fishery trade na umabot na sa $2.39 billion sa pagitan ng 2020 at 2024.

Pinunto pa ni Tiu Laurel ang pagtaas ng trade momentum na may kabuuang agricultural trade mula $327 million noong 2020 hanggang sa pinakamataas na $568 million noong 2022.

“Canada remains a vital partner in supporting our vision for a more globally-competitive agriculture sector,” ani Tiu Laurel.

Ayon pa sa kalihim, tumaas ang agri-fishery export ng Pilipinas sa Canada mula $109 million noong 2020 hanggang $148 million noong 2024 na itinuturing na pinakamalakas ang performance sa loob ng limang taon.

Pinag-usapan din sa pulong ang mga isyu sa high-value crops, African Swine Fever (ASF) response, food security at free trade negotiations.

Tampok na resulta sa naturang pulong ang pagpirma ng Joint Statement on Technical Collaboration sa pagitan ng Bureau of Plant Industry (BPI) at ang Canadian Food Inspection Agency (CFIA).