Calendar
Seguridad sa pagkain, angat kita ng magasasaka sisiguruhin
MAGKASANGGA ngayon sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Kalihim ng Agrikultura Francisco “Kiko” Tiu-Laurel Jr. para isulong ang madaliang reporma na magpapalakas sa seguridad sa pagkain at mag-aangat sa kita ng mga magsasaka sa buong bansa.
Sa kanilang pagpupulong sa Department of Agriculture (DA) nitong Lunes, malinaw ang apat na prayoridad: amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL), palawakin ang direktang serbisyo sa mga barangay, pababain ang presyo ng pagkain, at patibayin ang mga kooperatiba ng magsasaka.
“Well, aligned yung aming mga gustong mangyari sa sektor ng agrikultura… kaparehas din ang aming gustong iprioritize,” pahayag ni Pangilinan, na target maipasa ang amyenda sa RTL bago ang susunod na anihan. Umaasa rin siyang ideklara ito ni Pangulong Marcos jr. bilang urgent.
Bilang pinuno ng Senate Committee on Agriculture, ipinabatid niya na sisimulan sa loob ng dalawang buwan ang mga pagdinig sa mahahalagang isyu—mula sa RTL amendments, buong implementasyon ng Sagip Saka Act, tumataas na presyo ng pagkain, hanggang sa epekto ng komersyal na pangingisda sa municipal waters.
Suportado rin niya ang dagdag na pondo para sa DA upang matiyak na direktang makikinabang ang mga magsasaka. “Kailangan mabantayan itong paggagasta nitong kaban ng bayan… para matiyak na direktang benepisyo,” giit ng senador.
Para naman kay Tiu-Laurel, walang alinlangan na magkatugma ang kanilang adyenda para sa modernisasyon ng agrikultura. “Umaasa kami sa tuloy-tuloy na suporta…
Maganda ang kinabukasan natin dahil andito na siya,” ani ng kalihim.

