BBM

PBBM ipinahayag buong tiwala, kumpiyansa sa PNP

Alfred Dalizon Aug 12, 2025
310 Views

IPINAHAYAG ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang kanyang buong tiwala at kumpiyansa sa kakayahan ng Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni General Nicolas D. Torre III sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at pagpapatupad ng batas sa buong bansa.

Sa kanyang pagbati sa mahigit 232,000 miyembro ng PNP sa kanilang 124th Police Service Anniversary sa Camp Crame dahil sa pagpigil sa pagtaas ng antas ng krimen, inamin ng Pangulo na hindi sapat ang mga estadistika upang maibsan ang takot ng publiko.

“Bilang mga lingkod-bayan, hindi natin maaasahan na ipagdiwang ng taumbayan ang mga estadistika kung salungat ito sa kanilang personal na karanasan. Kaya’t kailangan nating muling makuha ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng mas mabilis at epektibong aksyon. Naniniwala akong nasa tamang direksyon na ngayon ang PNP,” sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati.

Gayunpaman, nagbabala rin siya na patuloy ang walang humpay na kampanya ng pamahalaan laban sa mga tiwaling pulis, kasabay ng kanyang adbokasiya laban sa katiwalian sa gobyerno.

Bago siya nagsalita, ipinakita ni Torre kina Pangulong Marcos Jr. at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla ang 5-minute response policy ng kapulisan at ang operasyon ng 911 hotline sa PNP Communications Center.

Binanggit ni Remulla ang pangalan ni Mayor Gemma Lubigan ng Trece Martires City, Cavite. Sa loob lamang ng 1 minuto at 13 segundo, nakarating ang lokal na pulisya sa city hall. Dahil wala roon ang alkalde, ipinag-utos ni Torre sa mga rumespondeng pulis na dumiretso sa tahanan ng alkalde, na kanilang narating sa loob ng 2 minuto at 41 segundo.

Hindi nga lang nakausap ng alkalde nang direkta si Remulla sa telepono.

Ayon kay Torre, araw-araw ay nagsasagawa sila ng 50 hanggang 60 live simulation exercises sa buong bansa. Noong Hulyo 16, habang nagsasagawa ng simulation exercise ang mga pulis ng Panabo City Police Station sa Davao del Norte, nasangkot sila sa isang tunay na insidente sa isang lokal na hotel at agad na naaresto ang isang armadong suspek.

Ipinakita rin ni Torre ang isang video kay Pangulong Marcos kung saan isang kriminal ang nagtangkang tumakas sa mga bubong sa isang masikip na lugar sa Quezon City.

Agad na nahuli ang suspek matapos gamitin ng Quezon City Police District (QCPD) ang drone para subaybayan ito.

Ayon pa kay Torre, mula nang simulan ang 911, 94 porsiyento ng emergency calls ay naresolba sa loob ng 5 minuto.

Dagdag pa niya, lubos na pinuri ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang kanilang 5-minute response policy at nagbigay siya ng 10 Starlink units para magamit ng command center ng PNP.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang 5 minutong tugon ay maaaring maging pagkakaiba ng kaligtasan at kapahamakan, o ng buhay at kamatayan para sa taong humihingi ng tulong.

“Ngunit ang hamon ngayon ay tiyakin na sa ulan man o araw, sa ordinaryong panahon o sa oras ng krisis, may mga taong handang tumugon sa panawagan ng taumbayan,” ani Marcos.

“Ganito natin muling binubuo ang tiwala ng mamamayan—na ang pulis ay darating, anuman ang oras, anuman ang kalagayan. Utang natin sa kanila ang isang sistemang maaasahan nila,” dagdag pa niya.

Ipinahayag din ni Torre na nakapagtala sila ng 7.75 porsiyentong pagbaba sa krimen sa buong bansa dahil sa pinalakas na presensya ng pulisya.

Mula Hulyo 1, 2022, hanggang Agosto 10, 2025, nakapagsagawa rin ang PNP ng 153,609 anti-drug operations na nagresulta sa pagaresto sa 190,568 target individuals at pagkumpiska ng humigit-kumulang P54.6 bilyong halaga ng ipinagbabawal na gamot, partikular ang shabu.

Ayon kay Torre, patunay ito sa kanilang layunin na wakasan ang salot ng droga sa isang mapayapang paraan, alinsunod sa utos ng Pangulo na targetin ang mga high-value at street-level suspects.

Ipinagdiwang ng kapulisan ang kanilang 124th Police Service Anniversary kasabay ng mataas na public satisfaction rating na iniuugnay sa 911 system at 5-minute response policy na pinasimulan nang maupo si Torre bilang hepe ng PNP noong Hunyo 2.

Ayon sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng Octa Research, nakapagtala ang PNP ng 71 porsiyentong trust rating mula sa publiko noong Hulyo, mas mataas ng 9 puntos kaysa sa 62 porsiyento noong Abril.

Samantala, nakakuha rin sila ng 73 porsiyentong performance rating noong Hulyo kumpara sa 62 porsiyento noong Abril—pagtaas ng 11 puntos.