Puno Si Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno sa press conference sa Kamara de Representantes umaga ng Martes. Kuha ni VER NOVENO

Chiz sinabihan: Inaakusahan sa demolition pangalanan

274 Views

DAPAT umanong tukuyin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kung sino ang sinasabi nitong nasa likod ng demolition job laban sa kanya, at hindi basta maglabas ng mga blanket accusation na taga-Kamara de Representantes ito.

Sinabi ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno na hindi niya alam kung sino ang tinutukoy ni Escudero at kuwestiyonable rin umano kung anong “demolition job” ang kanyang ipinapahiwatig.

Ayon kay Puno, kung ang mga alegasyong kumakalat sa social media ang kanyang tinutukoy ay dapat idulog sa tamang imbestigasyon kalakip ang mga dokumento at pangalan.

“Hindi ko alam kung sino ‘yung tinututok niya no or sino tinuturo niya. At saka hindi ko alam anong demolition job ang sinasabi dahil kung ‘yung binabanggit niya ‘yung mga lumalabas sa Facebook na kontratistang nagko-contribute daw, major contributor sa kanyang kampanya,” sinabi ni Puno sa mga mamamahayag sa isang press conference nang tanungin tungkol dito.

“Masama ‘yung pagka-blanket na ‘sinisiraan sa Kongreso’ eh lahat kami tinatamaan. Kaibigan ko si Senator Chiz eh. Pati pa ako nadamay na naman sa akusasyon. Huwag nating lalahatin. Siguro banggitin niya na kung sino ‘yun para at least magkasagutan na sila,” dagdag niya.

Hinikayat ni Puno si Escudero na huwag magpaapekto sa mga ingay sa online at sa halip ay pagtuunan ng pansin ang mga substansyal na akusasyon.

“Pero huwag na siyang masyadong kabahan siguro sa mga online-online. Ang tingnan natin ‘yung talagang ano totoo,” aniya, at idinagdag na dapat nakatuon ang paliwanag sa mga taong hayagang gumagawa ng partikular na akusasyon.

Dagdag pa niya, kung naniniwala si Escudero na may mga tao talagang nasa likod ng umano’y demolition job laban sa kanya, dapat niya itong pangalanan nang direkta.

“So ‘yung demolition job siguro, banggitin niya specifically para magkaayos-ayos na sila,” sabi ni Puno, na nagbabala laban sa mga pangkalahatang pahayag na nadadamay ang lahat.