Puno1 Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno Kuha ni VER NOVENO

Kamara di nasa likod ng pag-realign ng pondo ng PhilHealth, DepEd cuts

463 Views

ISANG mataas na lider ng Kamara de Representantes ang nagsabi na hindi ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nagtanggal sa budget para sa subsidy ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at nagtapyas sa pondo ng Department of Education (DepEd) sa 2025 national budget.

Ginawa ni House Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno ang pahayag sa isang press briefing nitong Martes, at sinabing public record ang inaprubahang bersyon ng budget ng Mababang Kapulungan.

“Ang House gumawa ng panukalang budget. Nag-approve ang House of Representatives ng budget. Ngayon sa budget na ‘yun, kung titingnan ninyo, nandyan lang naman, public document, puwede n’yo kunin sa secretariat, hindi nawala ‘yung PhilHealth budget. Intact,” aniya nang tanungin hinggil sa isyu.

“Sa version ng House, hindi nabawasan ‘yung Department of Education budget. Intact. In fact, mataas. Ang nabawasan dito sa House, ‘yung Public Works budget, okay? Tingnan n’yo niyan,” dagdag pa niya.

Ikinumpara ni Puno ang bersyon ng Kamara sa General Appropriations Act (GAA) ng 2025, at binigyang-diin na ang mga kinukuwestyong amyenda ay hindi nagmula sa plenaryo ng House, kundi lumitaw lamang matapos umalis ang panukala sa kapulungan at bumalik bilang nilagdaang batas.

“Iyan ang pinadala sa Senado. Ngayon, ang finally lumabas na GAA, natanggal ‘yung PhilHealth fund. Nabawasan ‘yung Department of Education, nadagdagan ang Public Works budget,” sabi ni Puno.

Sa pagbubukas ng bagong budget season, sinabi niyang hindi muna sisimulan ng kanyang grupo sa National Unity Party (NUP) ang detalyadong pagtatrabaho sa panukalang gastusin para sa 2026, hangga’t hindi malinaw ang pagkakasunod-sunod ng mga pagbabago sa batas para sa 2025.

“Siguro dahil dito, nandiyan na tayo sa budget season din, kahit na 2025 budget ‘yan, kami sa partido namin, nagkasundo kami na hindi namin uumpisahan ang pagsuri ng 2026 budget hangga’t hindi namin naliliwanagan, di kami naliliwanagan, sa lahat ng misteryong nangyari sa 2025 budget,” aniya.

Dagdag pa ni Puno, dapat alamin kung paano nag-iba ang final text mula sa inaprubahan ng House, kung kailan ginawa ang mga galaw at sino ang may responsibilidad sa paglilipat ng pondo na iginiit ng House na buo nang kanilang ipadala.

“Ngayon, gusto namin malaman, sinong nagpalit no’n? Paano nangyari ‘yon? Sino talaga ang nagtanggal? Paano natanggal ‘yung PhilHealth budget? Kasi alam ko, hindi dito sa House of Representatives ‘yun,” aniya.

Sinabi ni Puno na nanatiling malaki ang pondo ng DepEd sa bersyon ng Kamara at ang binawasan nito ay ang pondo para sa DPWH, na kabaligtaran ng lumabas sa GAA na nilagdaan ng Pangulo, na siyang isinumite ng bicameral conference committee.

“Sino ‘yung bumawas sa Department of Education budget, sa DepEd? Kasi pag-alis dito sa House no’n, kumpleto pa ‘yun. Mataas pa ‘yun. Kami ‘yung nagbawas ng DPWH budget, sino ang nagdagdag ngayon niyan? Alam ko hindi nadagdag ‘yan dito dahil pagdating do’n sa Senado, bawas ‘yon,” wika niya.

“Totoo ba ‘yung sinasabi ni Sen. [Tito] Sotto na napunta lahat ‘yan sa Senado at sa liderato ng Senado? Gusto rin namin malaman kasi ang House ang sinisisi,” dagdag niya.

Sinabi rin niyang dapat ipakita ng anumang accounting kung sino ang nakinabang sa mga paglipat ng pondo sa pamamagitan ng pagtutugma ng agency submissions at enacted items, upang makita ng publiko kung sino ang nadagdagan ng pondo mula sa PhilHealth subsidy at DepEd patungo sa ibang linya na lumaki sa final law.

“Bukod doon, aalamin na rin natin siguro, ito na rin na kaya gusto namin tumulong din sa ating Pangulo na talagang sinisiyasat niya ng mabuti ito. At gusto rin natin lahat malaman ito,” diin niya.

“Sino ba ang nakinabang dito sa pagpalit lahat nito? Sino ang nakinabang sa pagdagdag ng DPWH budget? Ang pagdagdag ng DPWH budget ay nanggaling sa pagbawas ng DepEd at ‘yung pagtanggal ng trust fund. Napunta sa DPWH budget. Sa madaling sabi, may nakinabang doon,” sabi ni Puno.

Sa tanong ng media hinggil sa pananagutan, sinabi ni Puno na mauuna ang fact-finding ngunit may mga mekanismo sa loob at labas ng Senado kung mapapatunayang may pagkakamali—mula sa internal discipline hanggang sa pormal na kasong hudisyal na maaaring isampa kapag may ebidensiya.

“Now, I’m sure the Senate has its own processes on how they will discipline their own members if their members need to be disciplined. Beyond that, you know, there are the normal judicial procedures that can be entered into whenever there is wrongdoing,” aniya.

“Ngayon ang amin lang gusto mangyari is maintindihan natin lahat papaano nangyari lahat ‘yan,” sabi ni Puno.