LTFRB

LTFRB pinag-aaralan dagdag pasahe sa jeep

Jun I Legaspi Aug 12, 2025
325 Views

PINAG-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon para sa fare increase sa mga pampasaherong jeep na inihain ng mga grupo ng transportasyon.

Ipinasa ang hiling na P1 dagdag-pasahe noong Agosto 11 ang PASANG MASDA, ALTODAP at ACTO.

Saklaw ng petisyon ang maraming paghahain mula Agosto 2023 hanggang Marso 2025 na may mga mungkahing pagtaas sa base fare at dagdag kada susunod na kilometro.

Tiniyak ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III sa mga stakeholder na masusing susuriin ng Board ang kahilingan.

“Pinag-aaralan namin nang detalyado ang petisyon upang matiyak na ang anumang pagbabago sa pasahe ay makatarungan, makatwiran at may matibay na batayan,” ayon kay Chairperson Guadiz.

Binigyang-diin ng pinuno ng LTFRB na isasaalang-alang ng Board ang kapakanan ng mga pasahero at ang kakayahang magpatuloy ng mga operator.

“Layunin naming balansehin ang pangangailangan ng mga mananakay at ang pagpapanatili ng operasyon ng pampublikong transportasyon,” dagdag pa niya.

Hiniling ng mga petitioner sa LTFRB na ideklara bilang permanente ang P1 pansamantalang dagdag-pasahe na ipinagkaloob noong Oktubre 2023; ipagkaloob ang karagdagang P2 pansamantalang dagdag-pasahe na magtataas ng: base fare ng tradisyonal na public utility jeep mula P13 tungo sa P15 at base fare ng modernong PUJ mula P14 tungo sa P19.

Binigyang-diin ni Chairperson Guadiz na susundin ng Board ang tamang proseso at magkakaroon ng mga pampublikong konsultasyon at pagdinig.