Garin Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin

Garin: Maling tapon ng basura sanhin ng pagbaha

302 Views

IPINAHAYAG ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin ang kanyang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa transparent na imbestigasyon sa P545-bilyong halaga ng flood control projects.

Kasabay nito ay iginiit ni Garin na ang mahinang sistema ng pagtatapon ng basura ang nananatiling pinakamalaking sanhi ng pagbaha sa Metro Manila, Cebu at iba pang urban centers.

Sinabi ni Garin na ang pagbubukas ng talaan ng multi-bilyong pisong programa ay magtitiyak ng accountability at magbibigay-daan para makita ng publiko kung ang mga proyekto ay nagbibigay ng resulta.

Gayunman, binalaan niya na kahit ang pinaka-advanced na flood control infrastructure ay mabibigo kung mananatiling barado ng basura at ilegal na harang ang mga daluyan ng tubig.

“We commend the President for putting transparency front and center. Let the public know where the projects are, how much was spent, and if they work. But at the same time, kailangan nating harapin ang mas malalim na problema na barado ang mga estero at drainage dahil sa basura at kulang sa maayos na koleksyon,” ani Garin.

Binanggit niya ang mga ulat mula sa mga lugar na madalas bahain na nagpapakita na ang hindi nakokolektang basura, plastic waste at ilegal na pagtatapon ng basura ay patuloy na nagpapawalang-bisa sa bisa ng mga drainage system.

“Tama na may mga flood control projects. Pero kailangan din nating siguruhin na walang babara sa mga proyektong itatayo natin. Kung hindi natin lulutasin ang basurang bumabara sa ating mga daanan ng tubig, we are simply pouring money into projects that will not last,” diin niya.

Bagama’t iniutos na ng Pangulo ang pagsusuri sa mga kontraktor na kasali sa programa, iginiit ni Garin na mahalaga ring tiyakin na ang mga proyektong ito ay protektado laban sa kapabayaan at maling pamamahala ng basura na pumipigil sa kanilang pagiging epektibo.

Hinimok niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng magkakasabay at madalas na cleanup at desilting operations, na suportado ng transparent reporting at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban sa ilegal na pagtatapon ng basura.

Malugod din niyang tinanggap ang mga panukala gaya ng alok ni San Miguel Corporation President Ramon Ang na tumulong sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig sa Metro Manila nang walang gastos sa pamahalaan, na tinawag niyang isang “practical step that addresses the root cause instead of just treating the symptoms.”

Iminungkahi ni Ang ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig at paglilipat ng mga istruktura, tulad ng mga bahay na itinayo sa tabi ng ilog, patungo sa mga relocation site dahil humaharang ang mga ito sa daloy ng tubig.

Sumang-ayon din siya sa naunang babala ni Caloocan Rep. Edgar Erice na ang korapsyon at kabiguan sa maayos na garbage collection ay nagreresulta sa malaking dami ng basura na napupunta sa mga estero at kanal sa halip na sa tamang disposal sites, na lalo pang nagpapalala sa pagbaha.

“Kung hindi natin maayos ang sistema ng garbage collection at disposal, kahit gaano kalaki ang pondong ilaan sa flood control ay masasayang lang. Infrastructure without maintenance and discipline is a failed investment,” aniya.

Binigyang-diin ni Garin na ang anumang pangmatagalang solusyon ay dapat pagsamahin ang infrastructure at pagbabago sa asal.

“We need stronger enforcement, consistent education, and community-level responsibility. Every piece of trash tossed in the street can be the reason an entire neighborhood floods,” dagdag niya.