POGO

Pagkilala ng SC sa subpoena ng Senado vs Alice Guo pinasalamatan ni Sen. Risa

342 Views

GuoIPINAHAYAG ni Senadora Risa Hontiveros ang kanyang buong suporta at pasasalamat sa desisyon ng Korte Suprema na kinatigan ang kapangyarihan ng Senado na maglabas ng subpoena laban sa dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Guo Hua Ping, o mas kilala bilang Alice Guo.

“I welcome the Supreme Court’s affirmation of the Senate’s constitutional power to conduct inquiries in aid of legislation, compel testimony, and, when necessary—to cite in contempt those who refuse to appear,” ani Hontiveros.

Ang naturang desisyon ay kaugnay ng imbestigasyong isinagawa ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality hinggil sa mga umano’y iligal na aktibidad sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub, partikular sa isang pasilidad sa Bamban.

Tinukoy na hindi sumipot si Guo sa mga pagdinig sa kabila ng subpoena, dahilan upang umabot sa Korte Suprema ang usapin.

Sa mga naging pagdinig ng komite, iginiit ni Hontiveros na lumitaw ang mga ebidensya ng malawakang human trafficking, cybercrime, at ilegal na pagkulong sa mga banyaga sa mga compound na nakarehistro bilang POGO pero ginagamit umano sa kriminal na operasyon.

“Sa mga hearing ng Senate Committee, isiniwalat natin ang karumal-dumal na abuso, kriminalidad, at korapsyon na dinala ng POGO sa ating bansa. Nagbigay-daan ito sa total ban, patungo sa pagsasabatas ng Anti-POGO Law,” ani Hontiveros.

Sa panig ng Office of the Ombudsman, ipinasinungalingan ang pagiging lehitimo ni Guo bilang opisyal ng bayan at siya ay tinanggal sa puwesto noong 2024 dahil sa alegasyong sangkot siya sa mga ilegal na aktibidad ng POGO sa kanyang nasasakupan.

Ipinabatid din sa ulat na siya’y lumabas ng bansa, naaresto sa Indonesia, at ibinalik sa Pilipinas sa pamamagitan ng deportation. Kalaunan, idineklara ng Commission on Elections at ng isang regional trial court na walang bisa ang kanyang pagkahalal dahil sa mga isyu sa kanyang pagkamamamayan at tunay na identidad.

Sa pahayag ng senadora, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng desisyon bilang tagumpay hindi lamang para sa Senado kundi para sa prinsipyo ng checks and balances sa pamahalaan.

“The decision reaffirms what the Constitution clearly provides: that legislative inquiries in aid of legislation—when conducted under our established rules—are a vital tool for accountability and the creation of policies which protect public interest and guard our nation’s sovereignty,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya, “Once final, this decision will affirm the Supreme Court’s regard for the balance of powers of the three branches of government—a principle that should undergird our democracy, even in troubled times.”

Sa kasunod ng isyu sa POGO, ipinatupad ng pamahalaan ang total ban sa operasyon ng mga POGO noong 2024. Sa kasalukuyan, patuloy pa ring tinatalakay sa Kongreso ang panukalang Anti-POGO Law.

Panghuli, ipinaabot ni Hontiveros ang pasasalamat sa kaniyang legal team, kabilang sina dating Senior Associate Justice Antonio Carpio, Atty. John Molo, ang MOSVELDTT Law Firm, at ang Senate Legal Counsel.