Bata Source: Supreme Court file photo

Pulis may pananagutan pag batang kawatan pinakawalan

316 Views

NAGBABALA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa mga miyembro ng law enforcement na ang pagpapalaya sa mga batang nasasangkot sa krimen nang walang pagsunod sa tamang proseso ng batas ay isang paglabag na may katumbas na parusang kriminal.

“Hindi po dapat pakawalan ang mga bata. At ang mga nagpapakawala ng mga bata na nasa law enforcement eh dapat meron din liability ‘yan at pananagutan. Criminal penalties din ang haharapin nila,” ani Pangilinan sa isang panayam ng Bombo Radyo.

Sa panig ng senador, binigyang-diin niya ang patuloy na paglaganap ng maling interpretasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, na siya ring may-akda at inamyendahan noong 2013.

“Marami kasing fake news. Unang-una, ‘yung sinasabi na disinformation na kapag bata, menor de edad, dapat pakawalan dahil walang magagawa ang batas… which is mali,” paliwanag niya.

Ayon kay Pangilinan, mali ang paniniwalang walang kapangyarihan ang mga pulis sa pagharap sa mga menor de edad na lumalabag sa batas. Sa katunayan, malinaw sa batas na ang mga batang may edad 15 hanggang 18 na kumikilos nang may sapat na pag-unawa o discernment ay maaaring managot sa ilalim ng batas at litisin na parang matatanda.

Samantala, ang mga batang edad 12 hanggang wala pang 15 na gumawa ng mabibigat na krimen ay kailangang ikulong o ilagak sa pangangalaga sa loob ng 24 oras, at maaaring manatili roon nang higit pa depende sa utos ng korte.

“Matagal na ito kinakalat ng kung sino-sino na wala daw magagawa ang mga pulis dahil sabi ng batas pagka nagkasala ang bata ay kailangan pakawalan. In fact, kapag pinakawalan ang bata, labag ‘yan sa batas at may pananagutan ang mga pulis,” giit ng senador.

Samantala, tinutulan din niya ang panukalang ibaba sa 10 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility, gaya ng suhestyon ni Senador Robinhood Padilla.

Sa halip, iminungkahi ni Pangilinan na ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang mas maayos na pagpapatupad ng umiiral na batas at pagpapalakas ng mga pasilidad para sa rehabilitasyon.

Ipinunto niya ang tagumpay ng Bahay Pag-asa sa Valenzuela City na umano’y nakapagtala ng 80% success rate sa pagbabagong-buhay ng mga batang lumabag sa batas.

“So, it works if it is implemented properly. Kaya sabi ko nga, kung gano’n ang findings ng Juvenile Justice Bahay Pag-asa sa Valenzuela, hindi kaya ‘yung problema, hindi ‘yung batas kundi ‘yung pag-i-implementa ng batas?” aniya.

Bilang tugon, tiniyak ni Pangilinan ang kanyang suporta sa pagdaragdag ng pondo para sa pagtatayo ng mas maraming Juvenile Justice Welfare Centers at Bahay Pag-asa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kasabay nito, nakipag-ugnayan na rin umano siya kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, dating alkalde ng Valenzuela City, upang matukoy ang mga lugar na dapat bigyang prayoridad sa mga programang ito.

“At handa tayong isulong ang dagdag na budget para madagdagan ang mga Juvenile Justice Welfare Centers, ang mga Bahay Pag-asa sa iba’t ibang parte ng bansa,” paniniguro niya.